KOLUM | Ina Sa Puso, Limos Sa Alaala
ni Justin James O. Albia
Tuwing ikalawang Linggo ng Mayo, nagkakaisa ang buong bansa sa pagdiriwang ng Araw ng mga Ina. Mula sa mga selebrasyon sa barangay hanggang sa malalaking promo sa mga mall, inuulan ng papuri at regalo ang mga tinaguriang "ilaw ng tahanan." Tila ba sa isang araw, sinisikap ng lipunan na tumbasan ang taon-taong sakripisyo ng mga ina gamit ang makukulay na bulaklak, matatamis na tsokolate, at makabagong gadget.
Kung taon-taon silang pinagdiriwang, bakit taon-taon din silang nakakalimutang pakinggan, unawain, at kilalanin sa totoong buhay?
Ang tunay na hiling ng mga ina, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan, ay mas malalim at makatarungan. Nais nilang kilalanin sila hindi lamang bilang tagapag-alaga kundi bilang buong tao. Nais nila ng oportunidad para makapagtrabaho nang may dignidad, karapatan sa sariling katawan, serbisyong medikal para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at higit sa lahat, hustisya para sa mga inang nawalan ng anak o nawalan ng kinabukasan dahil sa kapabayaan ng sistema.
Sa mas malalim na pagsusuri, makikita natin kung paanong ginagamit ng estado ang imahe ng ina bilang simbolo ng kabayanihan ngunit hindi bilang batayan ng karapatan. Ang ina ay inaalala bilang masunurin, matiisin, at mapagbigay. Isang romantisado at tahimik na imahe na hindi lumalampas sa mga dingding ng bahay. Sa ganitong paraan ng pag-alala, binubura ng estado ang ina bilang manggagawa, aktibista, o biktima ng sistemikong karahasan. Ito ay isang uri ng sinadyang paglimos, kung saan ang mga inang naninindigan, ang mga inang nawalan ng anak sa kamay ng karahasan ng estado, at ang mga inang nananawagan ng hustisya ay hindi isinasaalang-alang sa pambansang alaala.
Ang pag-alala sa mga ina ay laging may dimensyong politikal. Isang araw ng pagbibigay-pugay na ipinapalit sa isang taon ng pananahimik. Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ang imahe ng ina ay romantisado at ginagamit upang mapanatili ang status quo. Sa kabila ng mga pagbabago, may mga konserbatibong pananaw na ang ina ay dapat manatili sa tradisyunal na papel bilang tagapag-alaga, at hindi makialam sa mga usaping pampubliko. Ang Araw ng mga Ina ay nagpapakita ng pagpapahalaga, ngunit madalas ay napapabayaan ang mga tunay na isyung kinahaharap nila.
Isa sa mga malinaw na halimbawa ng patuloy na pagbabalewala at pagbawas sa dignidad ng mga ina, lalo na ang mga solo parent, ay ang mga biro at pahayag ng ilang opisyal. Noong Abril 2, 2025, sa isang campaign rally ng grupong “Team Kaya This,” sinabi ni Atty. Christian “Ian” Sia, isang congressional aspirant sa Pasig, “Minsan sa isang taon ang mga solo parent na babae na nireregla pa at nalulungkot, minsan sa isang taon pwedeng sumiping ho sa akin.” Agad na ikinagalit ng marami ang pahayag na ito, at higit pa rito, iniutos ng Commission on Elections (Comelec) na magpaliwanag si Sia kung bakit ginamit niyang biro ang mga single mothers sa kanyang kampanya.
Ang kanyang pahayag ay agad na ikinagalit ng maraming mamamayan. Ang mas nakakabahala ay hindi ito isang iisang insidente lamang. Noong 2017, si Senador Tito Sotto ay nagkomento tungkol kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, isang solo parent, at tinawag itong “na-ano lang,” isang salitang kolokyal na tumutukoy sa pagbubuntis nang hindi kasal. Ang komento niyang ito ay umani ng batikos mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Commission on Human Rights, na nagsabing ito ay isang sexist at discriminatory na biro.
Ipinapakita ng mga insidenteng ito ang isang pattern ng pagpapababa sa estado ng mga solo parent, na karamihan ay kababaihan. Sa halip na kilalanin ang mga sakripisyo ng mga ina, sila ay ginagawang biro at pinapalabas na walang halaga. Ang ganitong repression mula sa estado ay nagpapalakas sa patriyarkal na sistema at nagpapahirap sa kanilang akses sa mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at trabaho. Ang hindi pagpapahalaga sa kanilang papel ay nagdudulot ng mas malalim na diskriminasyon, na nakakaapekto sa buong sektor ng kababaihan.
Ang mga lider na may ganitong pananaw ay hindi karapat-dapat na mamuno. Ang mga solo parent, at ang lahat ng kababaihan, ay nararapat tratuhin nang may respeto at dignidad. Panahon na upang wakasan ang ganitong uri ng biro at itaguyod ang isang lipunang may tunay na malasakit at pagkakapantay-pantay.
Sa pagtatapos ng ating pagninilay sa Araw ng mga Ina, nawa'y hindi lamang ito maging isang araw ng selebrasyon ng sakripisyo, kundi isang malakas na panawagan para sa tunay na pagkilala. Kilalanin natin ang ina hindi lamang bilang tagapag-alaga, kundi bilang isang taong may karapatan, may boses, at may kasaysayan na hindi kailanman dapat burahin.
Ipaglaban natin ang mga polisiyang nagbibigay ng sapat na suporta sa solo parents, karapatan sa serbisyong pangkalusugan, at proteksyon laban sa diskriminasyon. Itulak natin ang pagbabago sa kultura, mula sa mga tahanan hanggang sa mga tanggapan ng gobyerno, na sa halip na gawing biro ang sakripisyo ng mga ina, ay itaguyod ang tunay na paggalang, pagkakapantay-pantay, at pananagutan mula sa mga lider at institusyon.
Hindi lang sila ilaw ng tahanan. Sila rin ay tinig ng paglaban. Ang kanilang mga sakripisyo at laban para sa katarungan at dignidad ay nararapat lamang na pahalagahan at igalang, hindi lamang sa isang araw, kundi sa buong taon at sa bawat pagkakataon.