Kriztelle Sitoy

Habang karamihan sa mga residente ng Central Visayas (Rehiyon VII) ang marunong magbasa, magsulat, at magbilang, may mahahalagang bilang pa rin ang nahihirapan sa pag-unawa ng binabasa, ayon sa resulta ng 2025 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS).

Photo Courtesy of Philippine News Agency.

Mula sa inilabas na datos sa FLEMMS Regional Forum noong Mayo 29, 28 sa bawat 100 katao na may edad 10 hanggang 64 sa rehiyon ang hindi ganap na functionally literate – ibig sabihin, sila ay may kakayahang magbasa at magsulat, subalit may kakulangan sa komprehensyon at praktikal na paggamit ng mga written materials.

Binigyang-kahulugan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang functional literacy ay hindi limitado sa reading and writing skills kundi saklaw din nito ang kapasidad ng isang indibidwal na makaunawa at magamit ang natutunang kasanayan sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Habang naitala sa 95.7% ang basic literacy rate sa Central Visayas, mas mababa ang functional literacy rate nito na nasa 67.6% – katumbas ng 28.1% na agwat.

Gayunpaman, nananatiling mataas ang basic literacy rate ng rehiyon – 92.2% ng mga nasa limang taong gulang pataas ang marunong bumasa, sumulat, at magsagawa ng simpleng matematika – mas mataas kaysa pambansang antas na 90%.

Ayon kay Dr. Adolf Aguilar, Officer in Charge (OIC) Chief ng Administrative Services Division ng Department of Education - Rehiyon VII (DepEd-7) mula sa panayam ng SunStar Cebu, hindi dapat mabahala kundi ituring na “panawagan” nang matugunan ang suliranin na ito. Aniya, isinusulong na ng kagawaran ang mga reporma sa kurikulum at patuloy na pag-angat ng kalidad ng edukasyon.

“We have curriculum reforms, we enhance the K to 10 curriculum, we also have capacity building for teachers, and for those with lower literacy rate or reading comprehension, then we also have school-based initiatives so that each school can have its own strategy to address whatever gaps in learning and we also have targeted intervention programs,” paliwanag niya.

Bukod dito, iginiit din ni Neil Andrew Menjares, Chief Economic Development Specialist ng Department of Economy, Planning, and Development - Rehiyon VII (DEPDev-7) na mahalagang tutukan ang mga programang hindi lamang nakatuon sa kaalaman kundi pati na rin sa mas malalim na pag-unawa.

“This is crucial, especially that many of the jobs in Central Visayas are in the services sector that require critical thinking and analytical skills,” ani Menjares sa panayam ng Philippine Star Ngayon.

Dagdag pa niya, dapat pagtuunan ng pansin ang pagsasanay ng mga guro, community-based literacy programs, at paggamit ng teknolohiya upang gawing mas epektibo ang edukasyon sa rehiyon.

Isinasagawa ang FLEMMS tuwing limang taon ng PSA kasama ang iba’t ibang ahensya upang masukat ang antas ng literasiya ng mga Pilipino at ang kanilang ugnayan sa edukasyon at midya. Layunin nitong makapagbigay ng datos nang mabigyang-tuon ang pag-unlad at pagpapabuti ng mga patakaran sa edukasyon.

Bagaman patuloy ang pag-unlad ng Central Visayas, nanatiling hamon ang kakulangan sa functional literacy – isang isyung kailangang tugunan upang walang maiwang mamamayan sa maprogresong modernisasyon.

“The country needs to enhance education and training programs to equip the country’s human resource with skills that will qualify them for jobs requiring critical and analytical thinking,” saad pa ni Menjares.