DULOT NG KAKULANGAN: Panibagong uri ng diabetes kinilala ng IDF; konektado sa malnutrisyon
Stephanie Mae Nacional
Marami na ang mga sakit na nagpatunay sa katagang anumang sobra ay nakasasama, ngunit sa nadiskubreng panibagong kategorya ng diabetes ay natagpuan ang hindi bunga ng labis kundi kakulangan.
Opisyal nang kinilala ng International Diabetes Federation (IDF) sa ginawang IDF World Diabetes Congress sa Bangkok, Thailand nitong Abril 2025 ang Type 5 diabetes—ito ay bagong uri ng diabetes na kaugnay sa malnutrisyon.
Ang diabetes ay isang pangmatagalang kondisyon kung saan tumataas ang asukal sa dugo dahil may problema sa insulin ng katawan. Kumpara sa Type 1 na sanhi ng autoimmune response at Type 2 na labis ang bigat o timbang, ang Type 5 ay nakaaapekto sa mga bata at kabataang kulang sa nutrisyon.
Sa estado ng buhay sa Pilipinas, hindi na bago ang malnutrisyon lalo na sa mga batang lumaking hinaharap ang hamon ng kahirapan. Ayon sa ulat ng United Nations Children's Fund (UNICEF) Philippines, isa sa tatlong mga bata ang hindi nakatatanggap ng sapat na nutrisyong kailangan nila sa kanilang paglaki.
Tinataya namang aabot sa 20 hanggang 25 milyong tao sa buong mundo ang apektado ng Type 5 diabetes, at karamihan dito ay matatagpuan sa Asya at Africa.
Ayon sa IDF, ang pagkilala sa malaking bilang na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas malalim na pag-unawa sa diabetes at kung paano nito naaapektuhan ang mga bata at kabataang nakararanas ng malnutrisyon sa mga bansang may mababa at katamtaman lamang ang kinikita.
Mariing pinag-aralan
Sa pagkilala ng bagong uri ng diabetes, kinakailangan pa ang kaalaman ng mga dalubhasa upang lubos na maintindihan sa buong mundo kung ano at paano gagamutin ang kondisyong ito.
Sabay na inihayag ng pangulo at propesor ng IDF na si Peter Schwarz ang grupo ng mga eksperto bilang working group na bubuo ng pamantayan sa pag-diagnose, mga gabay para sa paggamot, at pandaigdigang database sa pananaliksik ukol sa Type 5 diabetes.
Layon din ng grupo na makabuo ng mga education modules na magsasanay sa mga propesyonal sa larangan ng medisina.
Kasabay na mamumuno sa Type 5 Diabetes Working Group ang mga doktor na sina Meredith Hawkins na isang endocrinologist at direktor na kasamang nagtatag ng Global Diabetes Institute sa Albert Einstein College of Medicine sa New York, at Nihal Thomas na isang propesor naman ng endocrinology sa Christian Medical College sa Vellore, India.
“[F]or too long, this condition has gone unrecognised, affecting millions of people and depriving them of access to adapted care. With the launch of the Type 5 Diabetes Working Group, we are taking decisive steps to correct this. This is about equity, science, and saving lives,” saad ni Schwarz.
(Sa mahabang panahon, ang kondisyong ito ay hindi kinikilala, na siyang nakaapekto sa milyon-milyong tao at nagkait sa kanila ng angkop na pangangalaga. Sa paglulunsad ng Type 5 Diabetes Working Group ay gumagawa tayo ng matitibay na hakbang upang itama ito. Ito ay tungkol sa pagkakapantay-pantay, agham, at pagliligtas ng buhay.)
Naisantabing kondisyon
Ang konsepto ng Type 5 diabetes ay isang severe insulin-deficient diabetes (SIDD) o isang kategorya ng kondisyon na matindi ang kakulangan ng insulin sa katawan. Tampok dito ang mababang produksyon ng insulin—isang hormone na nagpapababa ng blood sugar o asukal sa dugo.
Isinaad ng IDF ang kaugnayan ng Type 5 diabetes sa malnutrisyon kung saan pinahihina ng kakulangang ito ang kakayahan ng pancreas na gumawa ng insulin.
Kaya naman, hindi maayos na nakagagamit ang katawan ng glucose o asukal na galing sa pagkain at siyang nagdudulot ng patuloy na pagtaas ng blood sugar.
Bukod sa mataas na asukal sa dugo, ang metabolic control o ang mismong buong sistema ng katawan sa pagproseso ng pagkain ay hindi maayos.
Ang SIDD ay sinasabing matagal nang napansin 70 taon na ang nakalilipas ngunit patuloy na isinasantabi. Sa unang kondisyong naitala noong kalagitnaan ng ika-20 siglo ay napagkamalang Type 1 o Type 2 diabetes ito.
Gayunpaman, sa mga bagong pag-aaral na pinangunahan ni Hawkins ay nakita ang kakaibang metabolic profile ng SIDD, na siyang nagtutulak sa mas malalim na pag-intindi at angkop na paggamot sa kondisyong ito.
Alagang pang-kapos-palad
Bagama’t insulin deficient o kulang sa insulin ang Type 5 diabetes ay hindi naman ito insulin resistant na hindi epektibong tumutugon ang katawan sa insulin. Dahil dito, may posibilidad na hindi kailangan ng insulin injections para sa mga taong apektado nito.
Karamihan sa mga pasyente ay maaaring magamot gamit ang oral medication na hindi masakit at mas abot-kaya.
Ito ay mahalaga sa mga rehiyong matindi na nga ang kahirapan, pati pa ang patuloy na pagtaas ng kaso ng diabetes na mahirap tugunan.
Dahil marami nga sa kanila ay kulang sa nutrisyon at mula sa mahihirap na bansa, mahalaga para sa kanila ang murang paraan ng paggamot.
Sa tulong ng oral medication na mas makakamura kumpara sa insulin injections, maaari itong maging susi sa mas inklusibo at abot-kayang pangangalaga sa kalusugan—kahit na nasa mababang antas ng lipunan.
Ang kahirapan ay isa sa mga ugat ng malnutrisyon. Ang kakulangan sa pagkain ay hindi na lamang gutom ang kayang maidulot kundi pati na rin ang bagong uri ng diabetes.
Kung gaano pa nakasasama ang sobra-sobra ay mukha ngang gayundin ang pinsalang dulot ng matinding kakulangan.