GABAY PANAHON: AI sa ulat-panahon, ilulunsad ng Tomorrow.io para sa mga magsasakang Pilipino
Stephanie Mae Nacional
Malaking pagsubok ang kalamidad sa mga Pilipino, lalo na sa mga magsasakang umaasa sa maayos na panahon—ngunit kung maaagapan ito ng kahandaan, maaaring magbago pa ang ihip ng hangin.
Ayon sa Tomorrow.io, ang kanilang bagong proyekto ay maglulunsad ng isang weather forecasting platform na pinapagana ng artificial intelligence (AI) upang matulungan ang mga magsasaka laban sa mga hamon ng pabago-bagong klima sa Pilipinas.
Nakipagtulungan naman ang organisasyon sa National Irrigation Administration (NIA) at sa Department of Agriculture (DA) upang maisakatuparan ang proyekto.
Ang Tomorrow.io ay isang kumpanyang kilala sa kanilang global weather intelligence na nakatuon sa pagmamatyag ng panahon. Ito rin ay tagapaghatid ng teknolohiya sa iba't ibang ahensiya ng Estados Unidos kung saan ito nakabase.
Sa tulong ng low-orbit satellites ay makakokolekta ito ng high-resolution na datos sa atmospera na siyang pinoproseso ng mga AI models upang maghatid ng tamang ulat sa panahon.
Ang gabay na ito ay makatutulong sa mga magsasaka upang mabigyan ng payo kung kailan maglalagay ng mga pamatay-insekto o kailan naman pansamantalang patitigilin ang patubig kung may paparating na pag-ulan.
Bilang kilala ang Pilipinas na bansang madalas tamaan ng malalakas na pag-ulan at hindi nasisigurong lagay ng panahon dala na rin ng climate change, malaking tulong ang proyekto ng Tomorrow.io upang mabawasan ang mabigat na epekto nito sa agrikultura.
Kahandaang kasama ang AI
Ayon sa ulat ng Technode Global, umabot sa ₱57.78 bilyon ang naidulot na pinsala ng kalamidad sa sektor ng agrikultura para lamang sa taong 2024. Tinatayang lagpas 1.4 milyong magsasaka at mangingisda naman ang apektado nito.
Dahil kulang ang kahandaan, nagresulta ito sa pagkawala ng 2.19 milyong metrikong tonelada ng produksyon sa halos isang milyong ektarya ng sakahan, batay naman sa datos ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ng DA.
Sa lumolobong bilang ng perwisyong naidulot sa mga magsasaka at mangingisda ay mas nakita ang agarang pangangailangan ng bansa sa kahandaan at mas epektibong forecasting tools para sa ulat-panahon.
“Our proprietary space-based satellite constellation was purpose-built to fill those coverage gaps and provide high-resolution, real-time weather intelligence across the country, even in the most hard-to-reach and underserved areas,” saad ng co-founder at CEO ng Tomorrow.io na si Shimon Elkabetz.
(Ang aming mga satellite sa kalawakan ay ginawa upang punan ang mga lugar na mahirap maabot; magbigay ng malinaw at agarang impormasyon tungkol sa panahon kahit sa pinakaliblib na bahagi ng bansa.)
Ang satellite na pinagagana ng AI ay maaaring maging instrumento para sa mga Pilipino upang agad na makatanggap ng mabilis at tamang babala ukol sa nagbabadyang panahon.
Sa ganoong paraan, tiyak ang kahandaan ng mga sektor at lokal na industriya upang hindi na muling maulit ang bilyon-bilyong danyos na nawala noong 2024 nang dahil sa kalamidad.
Gawang para sa mga Pilipino
“Tomorrow.io ensures truly national coverage,” ani Elkabetz.
Sinisiguro ng kumpanya na sakop ng kanilang serbisyo ang buong bansa—bagay na malaki ang maitutulong lalo na sa mga lugar na hindi agad naaabot ng mga tradisyunal na weather station na nasa lupa lamang.
Ang Tomorrow.io ay mayroon ding mga napagkasunduan dito sa Pilipinas kaya hindi lamang limitado ang serbisyo nito para sa pagsasaka kundi pati na rin sa mga mahahalagang sektor tulad ng shipping at aviation.
Dahil ito ay mga sektor na kailangan ng kasalukuyang datos ng panahon, makatutulong ito para masiguro ang kaligtasan at seguridad nila sa pagpapadala ng kargamento o pagpapalipad ng eroplano.
Posible nga sigurong magbago pa ang ihip ng hangin dahil nariyan na ang gabay mula sa teknolohiya na magpatitibay ng kahandaan, hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng bawat mamamayang Pilipino.