Aera Cassandra Ramos

Nagsimula ang lahat sa isang simpleng isyu sa silid-aralan: dapat bang ituloy ang field trip kahit kalahati lang sa klase ang kayang magbayad? Bilang class officer noon, ramdam ko ang bigat ng desisyon–magsasaya ba kami kahit hindi lahat makasama o maghanap kami ng mas patas na alternatibo? Doon ko unang naranasan ang tunay na responsibilidad ng pamumuno dahil hindi lang ito tungkol sa pagsigaw ng “present,” kundi sa pagiging patas kahit masakit. Sa bawat meeting, bawat kompromiso, natutunan kong ang serbisyo ay hindi laging magaan, pero nararapat na palaging makatarungan. 


Ang UN Public Service Day ay hindi lang selebrasyon ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno. Isa itong paalala na ang mabuting pamamahala ay nagsisimula sa simpleng espasyo kung saan may mga pangangailangan at may taong handang tumugon. Hindi ito nakapaloob lamang sa mga batas ng Kongreso–kundi sa mga meeting notes ng student council, sa mga attendance sheet ng orgs, at sa bawat project proposal na isinulat ng isang estudyanteng may malasakit. 

Ang tunay na gobyerno ng bayan ay nagsisimula sa gobyernong nasa loob ng paaralan. Tayong mga kabataan, lalo na ang mga lider-estudyante, ang pinakamaagang tagapagsanay ng malasakit at integridad sa serbisyo publiko.

Madalas nating naririnig na “student council lang ’yan,” pero hindi ba’t dito mismo natin unang natutunan kung paano humawak ng kapangyarihan? Kung paano magdesisyon nang hindi lamang para sa sarili kundi para sa buong katawan ng mag-aaral? Sa bawat campaign promise, may naniniwala, may nagdududa–at doon natin natutunan ang bigat ng tiwala. Governance, sa pinakapayak na anyo, ay hindi tungkol sa pamumuno—kundi sa pag-oorganisa. At kung gusto natin ng lider na may prinsipyo sa hinaharap, dapat ngayon pa lang, tinatanim na natin ang ugat nito sa kabataan.

Sa maliit naming council, nagsimula kaming gumawa ng mga transparency board at report kung saan makikita ng buong sangkaestudyantehan ang breakdown ng funds, term reports, at iba pang papeles na tinatrabaho. Simple, pero radikal. Iba ang epekto kapag alam mong may pananagutan ka sa mga desisyong ginagawa mo. Wala kaming title na mayor o senador, pero ang accountability ay hindi kailangan ng titulo para maisabuhay. At dito ko nakita na ang mabuting pamamahala ay hindi tungkol sa estruktura, kundi sa diwa.

Ang pamumuno ay hindi dapat pinapanday ng koneksyon, kundi ng layunin. Nakakalungkot na may mga estudyanteng lider pa lamang ay marunong nang mamili ng pinapaboran, nagtatago ng pondo, o gumagamit ng posisyon para sa sariling interes. Hiindi nakapagtataka kung bakit, pagkalipas ng ilang taon, sila rin ang sangkot sa mga headline ng corruption, ghost projects, o fake liquidation. Hindi na tayo dapat magtaka kung paanong ang estudyanteng hindi marunong magsumite ng tapat na liquidation form ay naging opisyal na ayaw pa ring magpakita ng SALN at patuloy na nanghihingi ng confidential at intelligence funds nang walang opisyal na record. Hindi na nakakapagtaka kung bakit ang binabakbak na daan ay isang taon nang nakatengga sa kalsada na nagdudulot ng matinding traffic at abala sa mga komyuter, para lang makapaglabas ng pera sa mga ghost projects. 

Kung hindi natin huhubugin ang etika ng mga lider habang sila’y bata pa, paano pa kung dumating ang panahon na sila’y nasa mataas nang puwesto? 

Hindi natin kailangan ng diploma para simulan ang pamumuno nang may dangal. Ang kailangan natin ay konsensya.

Ang public service ay hindi tungkol sa pag-aasta, kundi sa pag-aalay. Leadership, kung tama ang puso, ay hindi naghahanap ng spotlight kundi ng solusyon. Hindi ito paghawak sa tao, kundi pakikipagtulungan sa kanila. Tayong mga estudyante, kahit wala pa sa gobyerno, ay may tungkuling buuin ang kulturang may pananagutan. Sapagkat kung may silid na may integridad ngayon, mas may gobyernong naghihintay para sa mas may malasakit na kinabukasan.

Sa huli, ang gobyerno ay hindi dapat inaabot lamang kapag may titulo na tayo. Kung gusto nating maayos na pamahalaan sa hinaharap, tayo mismo ang simula. Tayo ang bumoboto, tayo ang tumatawag sa pagkilos, tayo ang humuhubog ng pamantayan. Ang pamumuno ay hindi hinuhubog ng edad kundi ng paninindigan. 

Kung gusto nating baguhin ang sistema, huwag tayong tumingin lang sa taas. Tumungo tayo sa mga silid, sa mga org room, at sa mga pasilyo ng paaralan. Doon lumalago ang ugali ng lider; doon nahuhubog ang puso ng lingkod. Ang pamahalaang may malasakit ay hindi inaantay, kundi binubuo–at tayo mismo ang pundasyon nito. Sa bawat desisyong ginagawa natin para sa kapwa estudyante, tanungin natin ang sarili: ito ba'y makatarungan? Tapat?  Makabayan? 

Hindi natin kailangang hintaying makapagtapos bago tayo mamuno nang may dangal–walang antala, walang atras, diretso sa layong may puso at rason sa paglilingkod.