Aera Cassandra Ramos

Nasa parehong opisyal na mesa, suot ang mga barong, may mga baso ng alak habang nakikipag-usap sa mga banyagang opisyales–nakangiti at handang magsalita, ngunit kadalasa’y natatalo sa bilang ng mga lalaking mas malakas ang kumpiyansa kaysa sa mga kababaihang boses ay salat.


Gayong matagal nang napatunayang kayang-kaya ng kababaihan ang trabaho ng pakikipagkapwa-bansa, tila kulang pa rin ang tiwalang tinatamasa. Sa likod ng mga litratong may ribbon cutting at ng mga opisyal na hashtag, may tanong na hindi pa rin nasasagot: pantay nga ba talaga ang laban? Kung kwento nga ito ng tagumpay, bakit parang iilan pa rin ang may papel sa pagtatanghal?

Likas sa ating sistema ang pagyakap sa kababaihan sa harap pero hindi sa likod ng mesa ng kapangyarihan. Naging dekorasyon ang representatsyon–maganda sa mga press release ngunit walang timbang sa proseso at desisyon. Ayon sa United Nations, kababaihan lamang ang bumubuo sa 25% ng mga ambassador sa buong mundo. Sa mga negosasyon ukol sa kapayapaan, mas mababa pa sa 13% sa mga chief negotiators ang babae. Magandang pakinggan sa estadistika ngunit kung masusi mong titingnan, nananatili pa rin ang tinatawag na “glass ceiling.” Ang dami ay hindi nangangahulugang may tunay na kapangyarihan.

Bagama’t marami ang kababaihan sa serbisyo, mas mabilis ang kanilang pagbitiw kaysa pag-akyat sa ranggo. Noong 2019, 57% ng kabuuang pandiplomatikong kawani ay babae ngunit habang tumatagal, mas maraming kababaihan ang nagre-resign kaysa sa mga lalaki. Sa kasalukuyan, mas mataas nang bahagya ang bilang sa 58% ng mga kawani sa foreign service ay kababaihan sa Pilipinas, at  42% sa kanila ay namumuno sa mga embahada at konsulado. Isa itong manipestasyon ng pagbaba sa progreso ng numero dahil sa mahinang paghawak sa kababaihan sa loob ng institusyon–ang sistema ay tila mas mabilis sa pagbitaw kaysa paglago. 

Hindi patas ang sistemang humuhubog sa mga lider dahil nananatili ang gender norms na humahadlang sa pag-angat ng kababaihan tulad na lamang ng pagtaas ng kanilang resignation rate, limitadong promosyon, at palagian pagharap sa microaggressions na nagpapabigat sa kanilang propesyonal na landas.  Kapag ang institusyon ay nagpapataw ng parehong pamantayan sa magkaibang realidad ng kasarian, hindi ito patas kundi pabigat. Ang tagumpay ng iilan ay hindi sapat kung ang sistema ay hindi pa rin nililikha para sa lahat.

Marami sa atin ang humahanga sa mga babaeng gaya nina Ambassador Theresa Lazaro na isang beteranang diplomat na kinatawan ng Pilipinas sa mga sensitibong negosasyon, mula West Philippine Sea hanggang bilateral talks sa China. Ngunit kung siya lang ang palaging inilalantad bilang mukha ng tagumpay, nalilihis ang pansin mula sa katotohanang iilan lang talaga ang nakakapasok, at lalo pang kakaunti ang tunay na nakakapagpasya. Kapansin-pansing isinusulong ang kababaihan sa prestihiyosong papel ngunit hindi binibigyan ng aktwal na kapangyarihan. Sa sistemang nakatali pa rin sa impluwensiya at pampakitang-tao, hindi tunay ang inklusyon. Isa o dalawang pangalan ang hindi sapat para sabihing patas na ang entablado.

Ang tunay na usapin ay oportunidad. Sino ang pinapaboran? Sino ang pinapabilis ang promosyon? Sino ang pinupuri sa pagtanggap ng mga international assignments, at sino ang tinatanong kung “kaya ba niyang iwanan ang pamilya?” Tila kataka-taka: bakit mas madaling tawirin ng mga kalalakihan ang hagdan ng promosyon habang ang mga babae ay kailangang bitbitin ang kaniyang buong pagkatao sa bawat hakbang na gagawin? Ganito pa rin ang timbangan: hindi patas

Hindi aksidente na ang sistemang patriyarkal ay nakatagal sa loob ng institusyong ating pinapaandaar: isang disenyo. Sa labas ng mga headline, ang mga babae sa diplomasya ay patuloy na nagpapanday hindi para lang mapansin, kundi upang pakinggan. Ngunit, hindi sapat ang pagpupugay kung hindi ito sasamahan ng pagtutuwid. Kinakaharap din nila ang gender bias kung saan mas kaunti ang retweet at visibility na natatanggap ng mga babaeng diplomat sa social media kumpara sa kanilang lalaking katapat. Mas kaunti ang saklaw, mas kaunti ang nakikinig. Ito ay tahasang uri ng invisibility. Ang isang representasyon na walang boses ay hindi tunay na representasyon.

Representation without resonance is silence disguised as inclusion.

Sa maraming pagkakataon, ang pagsasama sa kababaihan sa negosasyon ay nananatiling performative–nariyan sila para sa litrato, hindi para sa desisyon. Habang tila dumarami ang babae sa mga peace panel, hindi naman laging kasama ang kanilang perspektiba sa pagbubuo ng aktwal na polisiya. Hangga’t hindi binabago ang mismong balangkas ng kapangyarihan, ang pagkilala sa kababaihan ay mananatiling parallel lamang, hindi integratibo.

Ang pagbabago sa direksyon ng diplomasya, lokal man o pandaigdig, ay dapat magsisimula sa istrukturang ating ginagalawan: ang buong sistemang panlipunan, institusyonal, at kultural na humuhubog sa kung paano binibigyang halaga ang mga lider, lalo na ang mga kababaihan. Sa mga desisyong ginagawa kapag walang kamerang nakabantay. Ang kababaihan ay hindi paanyaya sa diversity checklist. Sila ay lider na nararapat bigyan ng espasyo, boses, at higit sa lahat–ang karapatang mamuno. 

Kung seryoso tayong maging lider sa pandaigdigang diplomasyang makatarungan at makatao, dapat seryoso rin tayong ituwid ang patriyarkal na ugat ng ating mga institusyon. Sa huli, walang saysay ang presensya kung wala namang kapangyarihan. Kung nais nating maging tunay na lider sa pandaigdigang diplomasya, kailangan din nating maging lider sa pagtutuwid ng sistemang hindi patas. 

Hindi sapat ang presensya ng kababaihan—kailangan nila ng tunay na kapangyarihan.