KOLUM | Kabalintunaan sa Pakikiisa
Allen Marc De Jesus
Yakap sa mga biktima ng pandaigdigang gulo buhat ng sari-saring tungalian. Nakakalungkot man, patuloy ang kakulangan at kapabayaan sa paglaban ng kanilang mga karapatan.
Tuwing ika-20 ng Hunyo ay ipinagdiriwang sa buong mundo ang International Refugee Day. Ayon sa United Nations, nilalayon nito na magsulong ng mas makatao, at maayos na pagtanggap sa mga biktima ng giyera, digmaan, at sigalot sa iba’t ibang bansa.
Noong Marso 2024, tinatanayang umaabot na sa mahigit 120 milyong tao ang sapilitang naglagalang sa mundo, mahigit 40 milyon rito ay refugee, kulang-kulang sa 7 milyon ay asylum seekers at 60 milyon naman bilang internally displaced people (IDPs).
Noong Hunyo ng parehong taon, kinilala ang pamahalaang Pilipinas dahil sa paglulunsad nito ng komemorasyon ng 1st National Refugee Day para umano “to honour the resilience of people who have been forced to flee due to violence, conflict, or persecution.”
Bagaman progresibong maituturing, hindi maikakakailang kulang na kulang ito sa kasalukuyang estado ng pagkalinga ng bansa sa mga biktima. Isa na naman itong paggamit sa resilience bilang isang loose term na walang pakundanga kung saysayin. Ang nakakapuwing pang realidad ay sa isang mundong sala-salabat bunsod ng pagtatanggang pagkalinga at pagkawala ng mga biktima ng landas— likas ang kabalintunaan ng pamahalaan sa tunguhin at ginagawa nito.
Matapos kasi ang walong taon ng Marawi siege ay nakasadsad pa rin sa lupa ang pangarap ng mahigit 70,000 na wala pa ring maayos na matirahan. Kabilang sa pasaning ito ay ang pagkakaroon ng maayos na akses sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, pagkain, kuryente at iba pa. Nararanasan din ng lungsod ang pangmatagalang pasanin sa kultural, ekonomiko, at pisikal na aspeto.
Ang patuloy na pasaning ito sa Marawi ay nagpapakita ng pamahalaang pipi sa pakikiisa at bulag sa pananagutan. Bagaman hindi maituturing na refugees ang mga mamayaman ng Marawi, kabilang naman sila sa internally displaced people.
Sa pagpapakita ng amor sa ibang bayan dahil sa paglulunsad ng 1st National Refugee Day commemoration, maituturing ba itong kapabayaan sa pakikiisa? O kung mas tama, kabalintunaan?
Hanggang ngayon, libu-libo pa rin ang nakatira sa transitional shelters, walang malinaw na akses sa edukasyon, trabaho, at serbisyong panlipunan. Sa Bangsamoro Region, ang mga bakwit na biktima ng rido, militarisasyon, at mga kalamidad ay patuloy na nakikipaglaban para sa pansin ng gobyerno.
Patunay rito bagaman halos anim na taon ng autonomous ay nahihirapan pa rin ang rehiyon na magkaroon ng kapayapaan. Noong 2023, ibinahagi ni Murad Ebrahim, chief minister ng rehiyon, ay ang kakulangan ng pondo mula sa pambansang pamahalaan.
Kaya, anong halaga ng pagdiriwang ng National Refugee Day kung ang mismong mga bakwit sa sariling bayan ay naisasantabi?
Hindi rin bago ang ganitong kapabayaan. Sa kabila ng pagiging signatory sa 1951 UN Refugee Convention, umaasa lamang tayo sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) para sa asylum processing, at wala tayong malinaw na mekanismo para sa resettlement, integration, o proteksyon. At kung may dumating mang banyagang refugee, madalas ay tahimik, simboliko, at pansamantala lang ang pagtanggap.
Kung walang maayos na mekanismo, mahihirapan ang mga banyaga o kahit mga local displaced people na makabalik sa kaninilang pamumuhay. Mahala ang resettlement upang maibalik ang dating pamumuhay ng mga tao na may dangal at tumatalima sa pangkalahatang karapatan. Malaki ang gampanin sana ng pamahalaan na tiyakin na may integration o pagkilala sa sensibilidad ng mga tao (mula sa dating tinitirhan) at ang paglalapat sa bagong kapaligirang binigay bilang settlement. Mahalaga na masigurong ligtas ang mga lugar na ito upang maging tuloy-tuloy ang pagsisimulang muli.
Ganyan sana ang ideyal, ngunit hindi ito ang nangyayari.
Nakakabinging katahimikan din ang tugon ng Pilipinas sa refugee crises sa rehiyon. Sa halip na manguna sa pagtuligsa sa mga karahasang nagtutulak sa mga Rohingya at iba pang refugee, mas inuuna natin ang diplomasya kaysa prinsipyo. Sa ASEAN, isa tayo sa iilang signatory sa refugee convention, pero hindi tayo umaakto bilang modelo—kahit sa loob ng sarili nating teritoryo.
Dagdag pa rito, humingi rin ng pansamantalang kanlungan sa International Criminal Court sa The Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte—ang dating lider na iniuugnay sa libo-libong pinaslang sa giyera kontra droga. Matatandaang ayon sa Human Rights Watch, ang war on drugs ng dating pangulo ay nagtala ng mahigit labindalawang libong kaso ng patayan.
Ang isang tulad niya, na naging dahilan ng pagkaulila ng maraming pamilyang Pilipino, ngayon ay nagbabalak tumakas sa isang bansang bukas para sa mga biktima ng panunupil. Kung magkataon, ang isang dating makapangyarihan ay makakahanap ng kanlungan sa sistemang idinisenyo para sa mga inapi, nasaan ang hustisya?
Mahalagang tandaan na ang kanlungan ay hindi dapat pribilehiyo ng makapangyarihan. Ito ay karapatan ng naaapi. At kung ang Pilipinas ay seryoso sa pagiging makatao, dapat itong magsimula sa sarili—sa mga nawalan ng tahanan sa Marawi, sa mga bakwit ng Bangsamoro, at sa lahat ng Pilipinong nililigalig ng dahas at kapabayaan.