KOLUM | Martsa, mantsa at ilang dekadang pakikibaka
John Victor Barba
Ang taon-taong kusot at pagplantsa sa mga gusot dahil hindi nagtatapos sa buwan ng Hunyo ang panawagan para sa karapatang pantao.
Para sa mga taong tambak ang labada at nahihirapan sa mano-manong kusot sa hibla-hiblang tela at para sa mga taong walang makinarya, nasa laylayan, at hirap sa araw-araw na pagpiga…ang Pride ay hindi isang piyesta, bagkus ay manipestasyon ng makulay na pakikibaka na malayo sa isang istanteng komersyal na pinaiiral ng kasalukuyang sistema kasabay ng paglapat ng mantsa sa banderang ilang dekada nang ibinurda.
Muli na namang sumabog ang mga kulay ngayong buwan ng Hunyo kasabay ng pagdiriwang ng taunang World’s Pride Month. Isang buwan kung saan bida ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community at ang kanilang mga adbokasiya’t pinaglalaban para sa pantay na karapatan anuman ang kasarian.
Ngunit isang malaking katanungan kung para saan nga ba ang naturang pagdiriwang gayong tila hindi na naging tuon ang mga panawagan ng mga kabahagi ng komunidad bagkus ay nagmistulang isang entabladong nilamon na ng perpormatikong pakikiisa na pinaiingay ng mga panatikong hindi naroon para sa protesta bagkus ay para sa mga artista.
Ika-28 ng Hunyo taong 1970, sa anibersaryo ng Stonewall Riots unang isinagawa ang martsa ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa mga lansangan dala ang mga watawat, karatula, at panawagan ng komunidad.
Layunin ng pagmartsa ng komunidad sa mga lansangan ang magpakita ng pagkakaisa at paglaban para sa pantay na karapatan. Isang makulay na parada at kasiyahang ang pangunahing punto ay ang pagtindig laban sa diskiriminasyon, pang-aabuso at kawalan ng pantay na oportunidad dahil lang sa kasarian.
Ilang dekada rin ang lumipas at patuloy pa rin ang tradisyon ng sangkabaklaan at patuloy din ang pag-arangkada ng progresibong pagbabago bilang tugon sa mga panawagan ngunit sa kabila ng kaliwa’t kanang sigawan ay nakakubli ang mas malaking hamon na kailangang tugunan–ang maitatak sa komunidad ang katotohanan na ang tunay na laban ay higit pa sa isang buwan lamang.
Naalala ko pa nung nakaraang taon, suot ang kaniyang paboritong itim na polo shirt habang nakasukbit sa kaniyang harapan ang isang bag na naglalaman ng face powder, eyebrow pencil, lip balm at limang daang piso ay lumarga ang batang si Kiko upang makiisa sa taunang pagmartsa sa 'Love Laban 2 Everyone' na idinaos sa lungsod ng Quezon.
Kabilang si Kiko sa kung tawagin ay third gender, ang mga kasariang nakapailalim sa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Intersex, Asexual, plus (LGBTQIA+) community at para sa isang taong nagtatago ng kanyang identidad, isang malaking hakbang ang pagdalo niya sa naturang pagdiriwang.
Isang taon na ang lumipas at hirap pa rin si Kiko na tanggalin ang mantsang itinatatak ng naturang kaganapan. ‘Di rin niya mawari kung bakit hinayaan ng mga organizer ng naturang pagdiriwang na bigyan ng plataporma ang embahada ng Amerika, sa kabila ng mga balikong ideolohiyang ipinaiiral ng naturang bansa.
Ganoon na lang ba kabilis kalimutan ang pagiging hindi makatao ng Estados Unidos kasabay ng kanilang pagsuporta sa Israel at sa nagaganap na genocide sa Palestina? Ganoon na lang ba kabilis pagbigyan yaring mga dayuhang pilit kinakamkam at ginagawang base militar ang ating sariling bansa?
Dapat sigurong marapatin nilang mga namamahala na intindihing hindi naman kailangan ng komunidad ang balidasyon mula sa isang bansang imperyalista at lalong hindi natin kailangang marinig ang boses ng mga pasistang bansa tulad ng Amerika.
Mistulang parte na lang ba ng nakaraan ang kahindik-hindik na pagpaslang kay Jennifer Laude na nauwi lamang sa absolute pardon na ibinigay ni dating pangulong Rodrigo Duterte kay U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton noong 2020.
Isang madilim na parte kung saan sangkot ang mga kabahagi ng komunidad ay ang naging pagpaslang kay Jennifer Laude noong ika-11 ng Oktubre taong 2014. Maituturing na gender-based hate crime ang naturang pagpaslang kasabay ng pag-amin ng naturang Amerikano sa krimen at pagdiing nagawa niya ito nang malamang si Laude ay isang transgender.
Isa lamang si Laude sa kaliwa’t kanang pangdidiskrimina na nararanasan ng mga kabahagi ng komunidad dahil lamang sa kanilang kasarian at isang malaking sampal sa mga panawagan ang pagbibigay plataporma sa naturang pagdiriwang. Hahayaan na lang bang ganoon na lang at tatalikdan na lang ba ng Pilipinas yaring pandidiskrimina sa mga Pilipino sa sarili nilang bayan? Mananatili na lang ba ang mga mamamayan na nakahalik sa paa ng mga dayuhan?
Aantayin nalang ba nating maging kulay pula ang lahat ng de kolor, hahayaan na lang ba nating mamantsaan ang komunidad ng duming pinalalim ng katiwalian, pababayaan nalang ba nating masira yaring matagal nang pinaglalaban?
Mahirap na ngang ihiwalay ang dekolor sa puti, mas mahihirapan pa sa pagtanggal nilang mga mantsa na pinauugong ng kwestyonableng pagbibigay plataporma. Isang malaking hamon sa kasalukuyang organizer ng taunang pagmartsa ang pagtugon sa tunay na panawagan ng kanilang nasasakupan, na maging para sa komunidad at maging para sa progresibong ideolohiyang ating ipinaglalaban.
Dapat nilang alalahanin na ang pagdiriwang ay hindi nagsimula para sa tugtugan ng mga banda at pag-indak sa saliw ng musika—na hindi ito para sa panandaliang kasayahan. Ang Pride ay hindi birtud ng uso bagkus ay isang tagpo ng patuloy na pakikibaka. Mula sa mga lansangan ng Stonewall hanggang sa panawagan para sa SOGIESC Bill, ito ay nananatiling sagisag ng paglaban para sa karapatan, kaligtasan, at inklusyon sa isang lipunang madalas mapako sa nakaraan.
Oras na rin siguro upang gisingin ang kamalayan ng mismong komunidad na nasasakupan ng mga panawagan. Tama na ang taon-taong pagplantsa sa gusot na iniiwan ng mababaw na pagkilos ng nakaraan. Panahon na upang maintindihan na hindi lang sa buwan ng Hunyo natatapos ang paglaban dahil tuloy-tuloy pa rin ang pagmartsa hanggat hindi nakakamtan ang karapatang sapat at dapat para sa bawat Pilipino anuman ang kasarian.
At ngayong taon, sa muling pagbubukas ng naturang buwan at sa napipintong pagdiriwang sa UP Diliman nawa’y kasabay ng paggaganda-gandahan at nagririkitang kasuotan, kasabay ng pagwawagayway ng watawat at kaliwa’t kanang pakulo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ay ang mas pinalawig na panawagan, isang pagkilos na higit pa sa isang buwan lamang.
Dahil mahirap maglaba, mahirap magkusot at mahirap ang palagi na lang pinipiga. Malaki na ang naging laban ng buong komunidad mula pa sa ilang dekadang pahina ng kasaysayan. Ilang dekada na rin ang lumipas at tila mabagal ang pagkamit ng karapatang lagi na lang ipinagsisigawan.
Ibig sabihin ba nito’y wala nang patutunguhan? Hindi. Bagkus ito ay manipestasyon ng isang mas malaking hamon, ng pagsibol ng panibagong pagkilos na magsisimula sa lahat ng kabahagi ng komunidad, may impluwensya man o wala, bata man o matanda, na paugungin ang panawagan sa anumang taon at sa anumang buwan.
Dahil hindi nagtatapos sa Love Laban, sa Kyusi o sa Diliman ang pakikipaglaban.
Hindi nagtatapos sa pagmartsa at pagchange dp ng may pride frame ang mga panawagan.
Dahil sa muling pagtatapos ng Hunyo, bitbit ang mga karatula’t plataporma’y sa senado at lansangan magpapatuloy ang pag-arangkada ang mga panawagan kasangga ng kaunting tiwala, pagkilos at pangangampag sa mga nasa upuan na dinggin ang panaghoy ng kanilang nasasakupan.
Dahil sa napipintong pagtatapos ng Hunyo, ang susunod na laban ay ang mas malalim pang pakikibaka habang hawak ang pag-asang matatapos na ang ilang dekada ng paglalaba at pagplantsa sa mga gusot at tuluyan nang magiging malaya ang lahat sa mariing pagpiga na hinatol ng mapanghusgang lipunan.
Dahil baka kaya namang tapusin na ang maraang pagkusot sa hibla-hiblang tela at sa wakas ay tuluyan nang maisampay sa estante ng pagkakilanlan ang karapatang ilang dekada nang ipinaglalaban. Ang karapatan para sa buhay na malaya at ang mabuhay nang may laya.