MAKABAGONG KASANGKA-PEN: Pagtukoy sa sintomas ng Parkinson’s, mas pinadali ng panulat mula sa UCLA
Stephanie Mae Nacional
Madalas iniuugnay ng mga tao ang anyo ng kanilang sulat-kamay sa uri ng panulat na gamit nila ngunit maganda man o karaniwan ang pagkakasulat, may mas malalim pa itong halaga—ang kakayahan nitong magbunyag ng maagang babala sa sakit na hindi pa halata sa mata ng iba.
Nakabuo ang grupo ng mga mananaliksik mula sa University of California, Los Angeles (UCLA) ng isang diagnostic pen na kayang makakita ng maagang babala ng Parkinson’s disease (PD) sa pamamagitan ng pagsusuri sa sulat-kamay, na isinasalin naman nito bilang electrical signals upang matukoy kung may taglay na sintomas ang isang tao.
Ang PD ay isang progresibong sakit sa utak na nakaaapekto sa paggalaw, pagtulog, kalusugang mental ng tao at iba pa. Ito ay walang gamot ngunit ang patuloy na medikasyon ay nakababawas sa sintomas nito.
Sa pagsasagawa ng maliit na pag-aaral sa UCLA Medical Center na may 16 na kalahok ay natuklasan ng grupo ang 96.22% na accuracy rate ng diagnostic pen, isang senyales na matagumpay nitong natukoy ang tatlong pasyenteng may PD sa 13 na indibidwal na walang sakit sa tulong ng pagsusulat.
Ang mga kalahok ay sumailalim sa mga aktibidad na ginamitan ng pagsusulat tulad ng pagguhit ng linya, spirals, at mga letra sa papel at hangin. Kinuha naman ang mga signals mula sa aktibidad na ginawa at pinroseso gamit ang iba't ibang machine learning models—uri ng artificial intelligence (AI).
Ayon sa unang awtor na si Gary Chen ay bagama’t mataas ang resulta na nagsasabing may tamang diagnosis, kailangan pa nitong dumaan sa pag-aaral na may mas malaking bilang ng kalahok upang masiguro na epektibo ito.
Kung sakali mang ilabas ang imbensyong ito sa merkado ay malaki ang magiging ambag nito bilang pangsuportang kasangkapan sa paghahatid ng mas agarang serbisyo sa tao.
Silipin ang sistema
Ang nagawang diagnostic pen nina Chen ay may espesyal na disenyo kung saan ang dulo nito ay malambot na gawa sa silicone at may halong magnet, habang ang ferrofluid ink o tinta nito ay mayroon ding maliliit na magnets o nanomagnets kung tawagin.
Kapag nagsusulat ay naiipit ng kamay ang bolpen at nadidiinan ang dulo nito, kaya gumagalaw ang tinta at nagbabago ang magnetic flux na siyang gumagawa ng kuryente sa maliit na coil sa loob ng bolpen.
Dahil nakukuha ng bolpen ang sintomas sa pagkilos nang direkta tuwing nagsusulat, hindi ito dumedepende sa anyo ng sulat-kamay at nakaiiwas din sa posibleng maling pagsusuri ng mga dalubhasa.
Suportang abot-kamay
Tinatayang 10 milyong tao sa buong mundo ang araw-araw na nakikipagsapalaran sa PD.
Ang mga tradisyunal na pag-diagnose sa PD ay sinasabing madalas na hindi naiuulat sa mga bansang may mababa at hindi katamtamang kita dahil sa kakulangan ng espesyalista. Ito ay ang bilang na hindi pa kasama sa 10 milyong namumuhay nang may sakit na ito.
Gayunpaman, ang imbensyon ng grupo nina Chen ay may potensyal na maghatid ng abot-kayang diagnostic tool.
Madaling dalhin ang bolpen na ito at hindi kailangan ng komplikadong setup kung kaya’y malaking tulong ito sa pagsusuri sa mga lugar na kapos sa serbisyong medikal, sa pagtukoy ng mga hindi pa na-dadiagnose, at sa paggamit kahit na nasa malalayong lugar o sa bahay lamang.
Kung dati ay tinitingnan ang sulat-kamay bilang repleksyon ng estilo o gamit na panulat, ngayon ay kinikilala na rin ito sa pananaliksik bilang tahimik na babala ng karamdamang katulad ng PD bago pa man ito makita o maramdaman.