Stephanie Mae Nacional
Sa tulong ng makabagong teknolohiya, parang wala nang imposibleng tanong ang hindi nabibigyan ng kasagutan. Gayunpaman, hindi lahat ay nakatatanggap ng parehong pribilehiyo sa pagsulong nito.

Photo Courtesy of DOST-TAPI S&T Media Service.

Ayon sa Direktor ng Department of Science and Technology - Advanced Science and Technology Institute (DOST-ASTI) na si Franz de Leon sa isang press conference, isa sa mahahalagang layunin ng kanilang ahensiya ang pagtibayin pa ang artificial intelligence (AI) ecosystem sa Pilipinas. 

Dagdag ni de Leon, hindi lamang pagpapalakas ng AI ecosystem kundi layon din nilang makabuo ng inklusibo, matatag, at AI na nakatuon para sa pangangailangan ng tao. 

Serbisyo sa Pilipino 

Magkakaroon ng iba't ibang estratehiya ang ahensya upang makamit ang kanilang layunin. Bagama’t hindi agarang makikita ang epekto, patuloy lamang ang pagsasagawa ng mga proyektong nakalatag na mula 2025 hanggang 2029.

Kabilang na rito ang paglunsad ng Nexus of AI Research and Applications (NAIRA) ng DOST noong Abril 2025. Gagawin ang proyekto nang nakabatay sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Dagdag ni de Leon, layunin din ng NAIRA na turuan ang mga tao na gumawa at gumamit ng sariling AI tools, nang hindi laging umaasa sa ibang bansa.

Ang NAIRA ay nakatuon sa pag-uugnay ng iba't ibang sektor—ahensiya ng gobyerno, maliliit na negosyo, at mga mananaliksik—upang magsanib-puwersa sa pagpapa-unlad ng AI sa Pilipinas. 

Mula ngayong 2025 hanggang sa susunod na taon ay balak ng proyektong makapagturo sa lagpas 600 na indibidwal upang maghatid ng kaalaman tungkol sa AI.

Sa pagitan naman ng 2025 at 2026, plano ng DOST na maglunsad ng prototype ng “AI as a Service” (AIaaS), isang plataporma na maaaring gamitin ng publiko kung saan madaling gamitin ang mga AI tools at iba pang sistema. 

Pagsapit ng 2027 ay palalawakin pa ng DOST-ASTI ang kakayahan ng AIaaS sa pamamagitan ng pagdagdag ng mas maraming AI models at datasets. Mas paghuhusayin pa ito upang makatulong sa mga serbisyo ng gobyerno. 

At sa pagdating ng 2029, magdaragdag pa sila ng mas moderno at makabagong teknolohiya katulad ng generative AI at mga language models upang mas mapabuti ang kakayahan ng plataporma, ayon kay de Leon.

Umaasa naman ang ahensya na magiging tuloy-tuloy at sariling sikap na ang AI system ng Pilipinas sa pagdaan ng mga panahon. 

Binigkis ng modernisasyon

Nakikipagtulungan naman ang DOST sa mga pamantasan at innovation hubs sa Pilipinas upang mas maraming Pilipino pa ang matuto tungkol sa AI.

Katuwang ang mga lokal at internasyonal na grupo ay gumagawa rin sila ng AI tools na makatutulong sa kalusugan, edukasyon, gobyerno, agrikultura, at iba pang sektor sa bansa. 

Ayon kay de Leon, hindi rin nila hahayaang hindi makinabang ang mga Pilipino na nasa malalayong komunidad kaya sinisiguro nilang lahat ng mamamayan ay binigkis ng iisang modernisasyon.

Ang mga nakalatag na proyekto para sa mas pinatibay na AI ecosystem sa bansa ay nagpapakita ng kahalagahan ng kolektibong pag-unlad sa larangan ng makabagong teknolohiya, kung saan ang bawat sektor ay inaasahang magiging kabahagi ng pagsulong nito.