Stephanie Mae Nacional

Ang sakahang minsan nang bumuhay sa isang magsasaka ay posible ring maghatid ng panganib dito—sakit na nakabaon sa lupang inaasahang magtataguyod sana sa kaniyang sarili at pamilya. 

Photo Courtesy of ISTOCK.

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na melioidosis ang naging sanhi ng anim na naitalang kaso sa Siquijor kung saan dalawa sa kanila ang namatay. 

Ang melioidosis, na kilala rin bilang Whitmore's disease, ay isang zoonotic disease o sakit na maaaring makuha ng tao mula sa hayop, na dahil sa bakterya na Burkholderia pseudomallei (B. pseudomallei). Nakahahawa ito sa pamamagitan ng direktang ugnayan sa kontaminadong tubig, hangin, o lupa. 

Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), bihira lamang na mahawa ang tao ng melioidosis mula sa kapwa nito. Ang mga hayop na maaaring mapagkunan nito ay mga baka, tupa, kambing, baboy, kabayo, aso, at pusa.

Batay sa mga nakaraang ulat, naibalita ng mga awtoridad na ang kaso sa Siquijor ay dahil sa glanders na may halos kaparehong sintomas sa melioidosis. 

Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim ng DOH na si Ted Herbosa na ang resulta sa pagsusuri sa DNA ng B. pseudomallei ay tumutugma sa melioidosis at hindi sa glanders. 

Kadalasang matatagpuan ang sakit na ito sa mga lugar na tropikal at may hindi gaano kainit o kalamig na klima katulad ng Pilipinas, Thailand, at Australia. 

Dito sa Pilipinas, ang mga taong nanganganib na magkaroon ng melioidosis ay ang mga babad sa kapaligirang may mga kontaminadong tubig at putik, kabilang na ang mga magsasaka.

Magkatuwang na tugon 

Matapos na mapatunayang melioidosis ang sanhi ng mga kaso sa Siquijor, agarang nakipagtulungan sa DOH ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng DA-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) at DA-Regional Field Office of the Negros Island Region (DARFO-NIR) upang rumesponde rito. 

Nagpadala ang DA-BAI at DARFO-NIR ng mga grupo sa mga apektadong lugar sa Siquijor upang magsagawa ng mga patakaran upang makontrol ang pagkalat ng sakit.

Hinimok naman ng dalawang ahensiya ang mga manggagawang apektado na magsuot ng mga bota at guwantes upang maiwasan ang panganib sa kontaminadong pinagmumulan ng melioidosis.

“Mga [farmers], mga lumulusong sa putik. Recommendation namin, magbota talaga sila. Lalo na [roon] sa isla ng Siquijor,” saad ni Herbosa. 

Inatasan din ng DA ang mga nangangalaga ng mga hayop na mas paigtingin ang seguridad ng kanilang mga alaga at sumunod sa mga panuntunang pangkalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng melioidosis at iba pang sakit na nakukuha sa mga hayop. 

Ramdam na pinsala

Ayon sa CDC, malawak ang sakop ng mga sintomas ng melioidosis. Kaya naman, mahirap itong matukoy at minsan pa ay napagkakamalang ibang uri ng sakit.

Ang mga sintomas nito ay kadalasang lumalabas sa loob ng isa hanggang apat na linggo pagkatapos magkaroon ng ugnayan sa bakterya. May iba rin na buwan o taon bago lumabas ang sintomas ng sakit.

Maaari nitong maapektuhan ang isang bahagi ng katawan o ang pangkalahatan. Madalas ay lumalabas ang melioidosis bilang impeksyon sa baga na pwedeng magdulot ng pag-ubo, mataas na lagnat, at pananakit ng dibdib o ulo. 

Apektado rin ng sakit na ito ang iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng atay, prostate, kasu-kasuan, buto, balat, lymph nodes, at maging ang utak. Pwede rin itong mauwi sa impeksyong lumalason sa dugo o sepsis.

Sa ngayon ay wala pang bakuna laban sa melioidosis, ngunit magagamot ito sa tulong ng mga antibiotics na itinuturok sa ugat o iniinom.

Tungo sa kaligtasan

Bagama’t delikado at nakamamatay ang melioidosis, tulad ng naitalang kaso sa Siquijor, may mga paraan ayon sa CDC upang mabawasan ang peligro nito sa tao.

Kung may bukás na sugat, sakit sa bato, o diabetes, dapat iwasan ng isang tao ang direktang ugnayan sa kontaminadong lupa at tubig upang hindi madapuan ng bakterya na nagdudulot ng melioidosis.

Samantala, ang mga manggagawa sa pagamutan ay kailangang sumunod sa mga alituntunin ng pangangalaga sa mga pasyenteng tinamaan ng sakit upang mapigilan ang pagkalat nito.

Habang ang mga laboratory personnel ay dapat magsuot ng personal protective equipment (PPE) bilang proteksyon sa kanilang kalusugan.

At para naman sa mga magsasakang umaasa sa agrikultura, pag-iingat ang isa pa nilang sandata laban sa mapanganib na bakteryang nakabaon sa lupang bumubuhay sa kanila.