Sigaw ng damdamin sa kwento ng pelikulang "Aba Po!"
Janelle Avida Alvarez
Bilang unang tahanan, sa pamilya dapat nagmumula ang pagmamahal at pagtanggap. Ngunit sa kwento ng iilan, madalas na naririnig ang mga katagang "umuwi ka sa pamilya mo, sila ang unang tatanggap sa'yo."
Pero paano kung ang mismong tahanang inaasahan mong sasalo sa iyo, ang unang tatalikod sa tunay mong pagkatao? Paano kung unti-unting nilulunod ng katahimikan at ng mga salitang hindi mabigkas ang halakhak ng iyong pagkabata?
Maaaring ganito ang tanong na binubuksan ng maikling pelikulang "Aba Po!" na isinulat nina Kai Ocampo, Cazzandra Lacman at Faith San Jose. Isang obrang tumatalakay hindi lamang sa isyu ng pagkatao, kundi sa isang relasyon ng dalawang magkapatid sa gitna ng pananampalataya at pag-unawang pilit hinahanap sa loob ng apat na sulok ng tahanan.
Sinasariling lihim
"Ate, bading ako."
Tatlong salitang marahang binigkas, ngunit tila dagundong sa dibdib ng isang kapatid na matagal nang may itinatagong takot. Sa mga katagang iyon, binitiwan ni Joy ang lihim na matagal nang nagpapabigat sa kanyang pagkatao.
Ito’y hindi lamang pag-amin, kundi isang matapang na hakbang sa pagpapakatotoo at sa pagpapalaya ng sarili mula sa pangambang hindi matanggap, hindi mahalin at tuluyang talikuran.
Ngunit sa kabila ng naging reaksyon ni Grace, hindi nakita ni Joy ang unti-unting pagkabasag ng loob ng kanyang kapatid at ang palihim nitong pag-aalala. Inakala ni Joy na tuluyan na siyang itinakwil ng mismong taong itinuturing niya bilang tagapagtanggol.
Sa pamamagitan naman ng pananampalataya, tila kinikimkim ni Grace ang tanong kung paano niya dapat mahalin ang kapatid na ngayon ay humaharap sa mundo nang buong tapang.
Kawalan ng komunikasyon
Sa halip na yakapin ang kapatid, pinili ni Joyce na lumuhod sa panalangin, na para bang may kasalanang kailangang hugasan. Sa simpleng tagpong ito, unti-unting naipinta ang lamat sa kanilang relasyon. Habang lumalalim ang daloy ng istorya, mas lumilinaw naman ang ugat ng sakit sa pagitan ng magkapatid: ang kawalan ng bukas na komunikasyon.
Sa kabila ng matapang na pagpapahayag ni Joy ng kanyang sarili, malamig na reaksyon naman ang isinukli rito ng kanyang kapatid bunsod ng kawalan ng kahandaan upang tanggapin ang katotohanang kanyang nalaman.
Sa mga sandaling iyon, hindi lang katahimikan ang namagitan sa kanila — kundi pangungulila sa pagtanggap. Sa paningin ni Joy, tila nauwi lamang sa paglayo ang tapang na matagal niyang inipon.
Ngunit may mga pagkakataong hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ang kahirapan sa pag-unawa. Minsan, ito ay bunga ng magkaibang paraan ng pagharap sa katotohanan. Ngunit sa kakulangan ng pag-uusap at pag-iwas sa kasagutan, nasasaktan ang pusong ang tanging hiling ay maunawaan, tanggapin at mahalin.
Sa likod ng katotohanan
Minsan, kailangang daanan ang katahimikan, tampo at layo upang makita kung saan tayo nagkulang.
Ang maikling pelikulang ito ay hindi nagtatapos sa dramatikong pagbabago. Sa halip, pinili nitong ipakita ang mas makatotohanang daan sa simpleng pagbigkas ni Joy ng salitang “Ate.” Sa kanyang pagbabalik, muling nabuhay ang kanilang ugnayan. Isang salitang naging simbolo ng pag-asa, pagbabalik at pagtanggap.
Bagaman hindi kusang humihilom ang sakit at hindi kaagad naaayos ang naiwang lamat, ipinaaalala ng huling tagpo na may lugar pa rin para sa kapatawaran — na may espasyo pa ring kailangan punan ng pagmamahal.
Nagsisilbi bilang paanyaya ang maikling pelikula na hindi lamang sa pagsuporta sa pang-araw-araw nakikita ang pagmamahal, bagkus sa pagtanggap sa tunay na pagkatao ng bawat isa.
Sa huli, hindi dapat katakutan ang pagiging totoo sa sarili — dapat itong yakapin, harapin at tanggapin nang buong-buo.