Stephanie Mae Nacional

Higit pa sa sustansiyang dala ng mga prutas tulad ng saging, kaya rin nitong maghatid ng liwanag sa mga lugar at maliliit na tahanang hindi naaabot ng kuryente.


Pinatunayan ng mga mananaliksik mula sa Saint Louis University-Basic Education School (SLU-BEdS) ang kakayahan ng mga balat ng saging na lakatan bilang bahagi ng isang paraan upang makalikha ng kuryente na hindi nakasasama sa kalikasan.

Ang pag-aaral ay pinamagatang “Bioelectricity Generation: Utilizing Lakatan Peelings (Musa acuminata) in Microbial Fuel Cells Containing Bacillus subtilis” na inilahad sa kauna-unahang Philippine Science High School-Cordillera Administrative Region (PSHS-CAR) Research Festival. Nagkamit din ito ng 1st Grand Award sa 4th National Science and Engineering Fair nito lamang na Marso 2025. 

Sa kanilang pag-aaral ay layon ng grupong makagawa ng bioelectricity—isang uri ng renewable electricity o malinis na kuryenteng nagagawa mula sa balat ng saging katuwang ang bakterya sa loob ng microbial fuel cell (MFC). 

Hatid na liwanag

Ayon sa lider ng grupo na si Gian Christopher Cordova, ginamit niyang dahilan ang pagkahilig ng kaniyang pamilya sa saging upang makabuo ng proyektong maghahatid ng liwanag sa mga kabahayan. 

Sinubukan ng grupo na gumawa ng malinis na kuryente sa tulong ng MFC o isang maliit na makinang gumagamit ng mga maliliit na organismo kagaya ng bakterya para gawing kuryente ang mga bagay na nabubulok, tulad na lamang ng mga balat ng prutas.

Inilalagay ang balat ng saging sa MFC bilang ‘pagkain’ o pinanggagalingan ng enerhiya at saka naman idinadagdag ang Bacillus subtilis, isang bakterya na parang mga langgam na ‘kumakain’ sa kasama nitong balat. 

Naglalabas naman ang mga bakterya ng mga electrons na bumubuo sa kuryente. Ito ay dumadaan sa wires o metal plates sa loob ng lalagyan na nagiging kuryente na maaari nang gamitin ng tao. 

“Sa balat ng Lakatan, may ilaw ang sambayanan,” saad ni Cordova. Mula sa simpleng balat ng saging na madalas itapon, nakita ng kanilang grupo ang potensyal na makalikha ng malinis na enerhiya—isang konkretong hakbang tungo sa mas likas-kayang kinabukasan.

Tagumpay sa basura

Ang ginanap na Research Festival ay nakatulong sa grupo upang mas palawakin pa ang kanilang kaalaman sa pananaliksik at pakikipag-ugnayan sa kanilang kapwa mag-aaral. 

Ayon kay Cordova, isang tagumpay ito para sa kanila bilang mga kabataang mananaliksik dahil isang oportunidad ang aktibidad na ito upang maibahagi rin nila sa iba pang kalahok ang kanilang pag-aaral. 

Binigyang-diin niya pa ang kahalagahan ng mga imbensyong gaya ng kanilang proyekto na maaaring makatulong sa paghubog ng isang bansang may mas maunlad na kinabukasan. Kaya naman, nakahanda ang grupo na isailalim sa patent ang kanilang pag-aaral upang mapanatili ang karapatan dito.

Tulad ng saging na walang tapon, ang nilikha ng grupong ito ay maaari ding magdala ng liwanag hindi lamang sa mga maliliit na tahanan kundi pati na rin sa hinaharap ng Pilipinas.