BARB-BALANG PAMPUBLIKO: Isdang ‘invasive’ namataan ng mga mananaliksik sa ADMU, kumpirmadong peligroso
Jerwen Kiev Del Cano
Nakakita ka na ba ng ganitong klaseng isda? Makintab ang kaliskis at matulis ang mga palikpik — ngunit kaakibat nito ay ang dalang nananadyang panganib laban sa mga kapwa nitong lamang-dagat.
![]() |
Photo Courtesy of Navya Aquarium. |
Ito ay ang isdang may pangalang agham na Barbonymus schwanefeldii, o mas kilala sa tawag na tinfoil barb. Bagaman matagal na itong bukambibig ng mga eksperto, ang mga paunang pagkilala nito sa bansa ay nakabatay lamang sa mga namamataang kuwento ng mga lokal, o ‘di kaya, ng mga ‘di beripikadong impormasyon.
Ngunit nitong Mayo 2025, kinumpirma ng mga estudyante ng biology sa Ateneo de Manila University sa isang artikulo na ang isdang kanilang nahuli sa Laguna de Bay noong 2024 ay isang species ng B. schwanefeldii.
Para sa talaan, ito ang pinakaunang naitalang rekord ng species sa naturang look.
Laganap ang mga barb na ito sa mga karatig bansa ng Pilipinas sa Timog-Silangang Asya. Ngunit, kahit ganunpaman, ang kasalukuyang pag-iral ng ganitong klaseng species sa bansa ay napatunayang isang banta sa mga isdang likas na naninirahan dito sa Pilipinas.
Dahil sa hindi likas na pagkakakilanlan nito, invasive ang turing sa mga barb kumpara sa hindi nito kauring isda. Ibig sabihin, malaki ang dala nitong banta sa mga likas na yaman ng kapaligirang pinamamahayan nito.
Kaya nitong magdulot ng pagkalipol ng mga halaman at hayop dahilan upang mabawasan ang biodiversity, at makipagkompitensya sa iba pang organismo para sa pagkain, espasyo, at teritoryo.
Dagdag pa riyan, ang pagkakatuklas ng mga invasive na species ay maaaring mag-resulta sa mga pangmatagalang epekto sa ekonomiya.
Ilan sa mga ito ay ang pagbaba ng bilang ng mga ani ng palaisdaan at pagtaas ng gastos sa pamamahala at kontrol.
Nagdudulot din ang kanilang pagkakakilanlan ng mga panganib sa biosecurity na maaaring makaapekto sa kalakalan at seguridad sa pagkain ng bansa.
Habang maaga pa, sa kaso ng ‘tinfoil barb,’ importante ang agarang pagsubaybay, pagtala, at pagkontrol mula sa pamahalaan at mamamayan.
Bagaman nagdudulot ito ng panganib, ang mga ‘barb’ ay kailangan ring maprotektahan at maalagaan sa mas ligtas na lugar kung saan sila mamumuhay.
Kinakailangan ding maipahayag at maipaunawa sa mga tao ang patungkol sa kaso ng mga native at invasive na species nang sa ganoon ay mas magkaroon ng kaalaman at maagang kamalayan ang mga mamamayan, partikular na sa mga bayang malapit sa dagat.
Hatid nito hindi lamang isang makabuluhang katuklasang pang-agham, kung 'di isang paalala sa tao na maging mapagmatyag at maalam sa mga pangangailangang tahimik na iniinda ng kalikasan.
Kung kaya, hindi sapat na makita ng mata ang kariktan ng kalikasan sa mabababaw na kaanyuan nito.
Ang tunay na kagandahan ay masisilayan kapag sisisirin at maagapan ang delubyong nakakubli, lingid sa matang nakatitig lamang sa kumikislap-kislap na balat.