Russielle Taduran

Pinataob ng Philippine Under-23 na koponan ang Malaysia Under-23 sa iskor na 2-0, matapos magpakawala ng dalawang right-footed goals si Otu Banatao sa kanilang unang laban sa U23 ASEAN Mandiri Cup 2025, nitong ika-15 ng Hulyo sa Gelora Bung Karno Stadium, Jakarta, Indonesia.

Photo Courtesy of PFF/Mia Montayre.

Pinangunahan ni Banatao ang atake ng Pilipinas matapos umiskor ng dalawang beses sa first half ng Group A match.

Katuwang ni Banatao sina Uriel Dalapo, at Javier Marioña na parehong sumundot ng fast-break sa 1st half. 

Maaga pa lang ay nagparamdam na ang Malaysia sa pangunguna ni Aliff Izwan Yuslan, ngunit nasalag ito ni PH goalkeeper Guimares sa isang 10-meter pressure shot sa loob ng unang pitong minuto ng laban.

Sa ika-9 na minuto, pinasibak ni Banatao ang unang goal ng laro matapos ang isang right-footed strike mula sa gitna ng box patungo sa bottom left corner ng goal.

Makalipas ang tatlumpu’t isang minuto, muling nakapuntos si Bisong sa tulong ni Marioña para sa 2–0 abante ng Pilipinas bago matapos ang first half.

Sa panayam pagkatapos ng laban, pinasalamatan ni Philippines head coach Garrath McPherson ang kanyang mga katuwang na sina assistant coach Popoy Clarino at coach Joan Lleida, na nagsagawa ng matinding training camp isang linggo bago ang torneo.

Bagama’t nabigo, nagtala pa rin ang Malaysia ng 87% pass accuracy kabilang ang 476 successful passes. Ngunit tila kinapos ang kanilang opensa matapos magtala ng mababang 19% shot accuracy na hindi naging sapat upang makalusot sa depensa ng Pilipinas.

Makakaharap ng Philippine U23 team ang host team na Indonesia sa kanilang susunod na laban sa Hulyo 18, alas-9:00 ng gabi (oras sa Pilipinas).