Cignal HD Spikers, nagpakitang-gilas sa V-League Visayas exhibition match
Francis Andrei Garcia
Nagpakitang-gilas ang parehong Women's at Men's Team ng Cignal HD Spikers matapos walisin ang kani-kanilang kalaban sa V-League Visayas Exhibition Games na ginanap sa USJ-R Coliseum noong Hulyo 6.
![]() |
Photos Courtesy of Facebook/V-League. |
Pinatunayan ng Cignal HD Spikers Women’s Team—isang propesyonal na koponan mula sa Premier Volleyball League (PVL) ang kanilang lakas matapos patumbahin ang University of San Carlos (USC) Lady Warriors sa iskor na 25-15, 25-18, 26-24.
Umandar ang tambalan nina Ishi Lalongisip at Erika Santos, na parehong nagpasabog ng atake at nagsilbing susi sa kanilang panalo.
Sa unang dalawang set, lumamang agad ang Cignal sa tulong ng mabilis na opensa at solidong depensa, kabilang ang mga power hits at service aces ni Lalongisip, gayundin ang quick plays nina Rose Doria at Erin Pangilinan.
Hindi nakapalag ang Lady Warriors sa determinasyon ng HD Spikers, na nagtuluy-tuloy ang momentum hanggang sa ikatlong set.
Bagamat nakabawi ang USC sa simula ng ikatlong set, nakahanap ng tyansa ang Cignal matapos magpakawala ng magkakasunod na puntos mula kina Judith Abil at Jackie Acuña, na nagtapos ng laban sa pamamagitan ng dalawang crucial hits, 26-24.
Samantala, sinundan ito ng panalo ng Cignal HD Spikers Men’s Team, isang koponan mula sa Spikers’ Turf, matapos dominahin ang University of Cebu (UC) sa straight sets, 25-17, 25-17, 25-16.
Pinangunahan ito ng UAAP standout na si Jayrack Dela Noche at ni John Ronquillo na kapwa umarangkada sa opensa at depensa sa net.
Mula sa simula ay naging agresibo ang laro ng Cignal, ginamitan ng kombinasyon ng backrow attacks at quick plays na nagsilbing pader laban sa UC.
Sa kabila ng ilang pagsubok, hindi na nakabawi ang Cebuano squad at tuluyang sinelyuhan ng Cignal ang panalo.