Habang ginagawang kampanya sa paaralan ang “Go, Grow, Glow,” nilulunok ng masa ang katotohanang ang sistemang umiiral ay hindi lumilikha ng lipunang may laman ang tiyan. Ang gutom ay hindi natural bagkus ito ay kawalan ng hustisya na naging normal dahil pinayagan nating manatili ang bulok na kaayusan.

#CartoonOnPoint by Kristina Tupas.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon, nananatiling hungkag ang pinggan ng milyun-milyong Pilipino. Ayon sa 2023 data ng Social Weather Stations (SWS), humigit-kumulang 2.7 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger kabilang ang kawalan ng makakain kahit gustuhin sa loob lamang ng tatlong buwan. Sa parehong ulat, ang rehiyon ng Mindanao ang may pinakamataas na kaso ng kagutuman, kasunod ng Visayas at Metro Manila. Ito ay hindi simpleng suliranin ng pagkain kundi ito ay patunay ng malawakang pagkakait sa kabuhayan, lupa, at oportunidad. Habang paulit-ulit na isinusulong ang pagkain ng masustansya sa mga paaralan at media, marami pa ring pamilyang hindi makakain nang tatlong beses sa isang araw. 

Sa bawat bakanteng pinggan, naroon ang kuwento ng isang batang hindi makapag-aral nang maayos, kuwento ng isang ina na nagtitipid para lang may makain sa hapunan, at ng isang amang pilit isinasalba ang araw gamit ang kapiranggot na kita. Ayon sa datos ng UNICEF Philippines, 1 sa bawat 3 batang Pilipino ang stunted o hindi angkop ang tangkad sa kanilang edad, bunga ng chronic malnutrition. 

Ang gutom ay hindi lang pisikal na panghihina; ito'y pagnanakaw sa kinabukasan, sa kakayahang matuto, mangarap, at mamuhay nang may dignidad. Ang pinggan na dapat simbolo ng kasaganahan ay unti-unti nang nagiging simbolo ng kawalan. Sa patuloy na paglipas ng bawat araw na ito ay nananatiling walang laman, mas lumalalim ang sugat ng kahirapan sa ating lipunan.

Hindi natural na krisis ang kagutuman kundi produkto ng deka-dekadang kapabayaan sa mga patakarang agrikultural at panlipunan na nagsisilbi lamang sa iilan. Indikasyon ng pagkabigo sa mga polisiyang agrikultural at panlipunan. Sa halip na palakasin ang lokal na produksyon, tila mas pinipiling iasa sa importasyon ang solusyon. Ang sistemang ito’y nag-iiwan ng bakanteng pinggan hindi lang sa hapag, kundi sa pambansang estratehiya.

Paano masosolusyunan ang kagutuman kung ang mga magsasakang siyang nagtatanim ng pagkain ay sila ring may pinakamalakas na pagkalam ng sikmura? Ayon sa PSA (2023), 30% ng mga manggagawang bukid ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line. Habang patuloy ang importasyon ng bigas, gulay, at iba pang produkto, pabaya at kulang ang suporta sa lokal na agrikultura. Imbes na suportahan, nalulugmok sila sa utang, kawalan ng lupa, at hindi makataong presyo ng ani. 

Ang kawalan ng pagkain ay laging konektado sa iba pang suliraning panlipunan. Sa harap ng patung-patong na krisis—mula climate change hanggang inflation—lalo pang nagiging bulnerable ang karaniwang Pilipino. Kapag walang seguridad sa pagkain, humihina rin ang kakayahan ng mga tao na makibahagi sa lipunan. Ang food poverty ang siya mismongnagpapalalim sa kahirapan. Isa itong siklo ng pagkaatras ng kabuhayan, edukasyon, at kalusugan. Ito’y kaakibat ng malawakang kahirapan, kawalan ng trabaho, at krisis sa pabahay. 

Kapag walang ligtas at abot-kayang pagkain, mas nagiging bulnerable ang kalusugan ng mamamayan. Hindi lamang ito nagdudulot ng gutom kundi ng kakulangan sa nutrisyon na mahalaga sa paglaki, pag-iisip, at resistensya laban sa mga sakit. Ang mga sanggol at bata ang pinakabulnerable sa kakulangan ng sapat na nutrisyon na nagbubunga ng stunting, wasting, at iba pang anyo ng malnutrisyon. Sa kalaunan, humahadlang ito sa pisikal at mental na pag-unlad na naglilimita ng kanilang potensyal bilang kabahagi ng lipunan. Isa itong manipestasyon na ang food insecurity ay hindi lamang krisis ng pagkalam ng sikmura kundi maging ng unti-unting pagbubura sa potensiyalidad ng mga susunod na henerasyon. Hindi lamang ito krisis ng tiyan kundi krisis ng kinabukasan.

Ang gutom na hindi dapat maging pangkaraniwang bahagi ng buhay-Pilipino, ay tila naging normal na lamang sa mata ng pamahalaan at mga nakaupong politiko. Sa bawat araw na ginugugol sa pagkayod para lang makabili ng kalahating kilong bigas, nawawala ang dignidad ng tao. Patuloy din ang pag-usbong ng kulturang “pagpag”—kung saan muling piniprito at kinakain ang tira-tirang pagkain mula sa basurahan–isang desperadong tugon sa kagutuman. Ito ay hindi simbolo ng pagiging madiskarte kundi malinaw na patunay kung paano hinahayaan ng sistemang umiiral na yurakan ang dignidad ng tao kapalit ng makakain. 

Ang paglutas sa food insecurity ay hindi na maaaring ipagpaliban dahil ito ay isang kagyat na tungkulin ng pamahalaan na nangangailangan ng radikal na pagbabago sa mga prayoridad. Hindi sapat ang panandaliang pamimigay ng relief goods tuwing sakuna; ang kinakailangan ay istrukturang reporma tulad ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, tuloy-tuloy na subsidiya sa lokal na produksyon, at komprehensibong suporta sa agrikultura. 

Ang akses sa ligtas, masustansya, at abot-kayang pagkain ay hindi pribilehiyo kundi karapatang dapat tiyaking natatamasa ng lahat, lalo na ng mga urban poor at malalayong komunidad. Patuloy na pagbabalewala sa sektor ng agrikultura ay hindi lamang naglalagay sa panganib sa laman ng ating pinggan—ito’y unti-unting pagkitil sa mismong kakayahan ng bansa na mabuhay. Sa oras na tuluyang naubos ang laman, ang susunod na mababakante ay ang pag-asa ng kinabukasan.

Ngayong Buwan ng Nutrisyon, hindi sapat ang kampanya sa pagkain ng gulay o ang simpleng adbokasiya sa mga pag–eehersisyo at pagpapapayat. Hindi sapat ang paminsan-minsang feeding program. Kailangan ng agaran at malawakang reporma sa lupa, suporta sa lokal na produksyon, subsidyo sa magsasaka, at paglikha ng sapat at disenteng trabaho. Hindi opsyonal ang karapatan sa pagkain dahil ito ay di-matatawarang obligasyon ng estado. 

Panahon na para gawing sentro ng pambansang polisiya ang kalusugan at kabusugan ng mamamayan. Panahon na upang manindigan para sa pantay-pantay na karapatang makakain. Sa paglalagay natin ng simbolo ng bakanteng pinggan sa gitna ng ating pagninilay, nawa’y hindi ito manatiling paalala lamang ng kakulangan kundi maging panawagan para sa katarungan. Katarungan para sa mga nagugutom, sa mga nagsasaka at sa lahat ng Pilipinong patuloy na lumalaban para sa karapatang mabuhay nang may dignidad. Ang tunay na masustansyang bansa ay nagsisimula sa busog na mamamayan. 

Kung gusto nating busugin ang kinabukasan, kailangang punuin ang pinggan ng kasalukuyan.