Sa maraming publikasyong pang-kampus, may tahimik na katotohanang bihirang pag-usapan: hindi pantay ang tingin sa bawat seksiyon. Ang balita — seryoso. Ang opinyon — sensitibo. Ang sports — kadalasang itinuturing na panlibang. Parang pahingang pahina pagkatapos ng sunod-sunod na mabibigat na artikulo. Madalas nilalaktawan, o kaya nama’y pinadaraan lang ng mata. Ngunit sa isang mundong mahigpit ang kontrol sa kung anong totoo ang puwedeng ilathala, ang pahina ng sports ang madalas nakapagsasabi kung sino ang natalo, kung saan nagkamali — nang direkta at walang pag-iwas.

#CartoonOnPoint by Princess Efondo.

Sa ilang publikasyong gaya ng The Bedan ng San Beda College, na hindi pinayagang mailathala ang isang isyu matapos maglaman ng artikulong kritikal sa administrasyon, malinaw ang mga hangganan ng pagpapahayag sa loob ng institusyong nagpapakilalang “open to dialogue.” Sa ganitong kalagayan, nagiging higit pa sa tala ng laro ang sports writing — nagiging salamin ito ng reyalidad. Sa larangan ng sports, hindi puwedeng itanggi kung sino ang natalo.

Sa isang kapaligirang karaniwang umiiwas sa pagtalakay ng salungat na naratibo, nagkakaloob ang seksiyong pampalakasan ng espasyong hindi kailangan palambutin ang katotohanan. Sa pahinang ito, hindi natatabunan ang pagkatalo — malinaw itong naihahayag, nasusuri, at nagiging batayan ng pagkatuto.

Ayon sa Structural Functionalism, ang bawat bahagi ng lipunan ay may tungkuling panatilihin ang kaayusan. Sa mga kampus na inuuna ang positibong imahe, inaasahan ding ganito ang papel ng midya: maging tahimik, mahinahon, at huwag manggulo. Sa ganitong takbo, ang pagkatalo ay itinuturing na kapintasan, hindi paanyaya sa pagsusuri. Kaya kung hindi panalo ang istorya, kadalasan, hindi ito pinapalathala.

Ngunit sa sports writing, hindi umiiral ang ganitong taktika. Walang “softened truth.” Talo kung talo.

Noong UAAP Season 87 (2025), ilang atleta at ang interim coach ng UE Lady Warriors volleyball team ang nagpahayag ng pagkabahala sa kakulangan ng training, maayos na pagkain, at konkretong suporta. Ayon kay Coach Allan Mendoza, naiwan ang mga manlalaro na walang scholarships matapos ang pagkawala ng sponsor. Bagamat hindi lantaran ang pagtuligsa mula sa campus press, lumitaw sa balita ang mga sintomas ng sistemikong kapabayaan sa anyo ng mass exodus ng players at hindi malinaw na pamamalakad.

Ang ganitong mga ulat ay hindi lamang balita, ito ay paninindigan. Isang anyo ng silent discourse sa loob ng limitadong espasyo ng publikasyon.

Sa sikolohiya, tinutukoy ng cognitive dissonance ang tensyon kapag hindi tugma ang paniniwala at reyalidad. Maaaring itinuturo sa klase na “tapat ang peryodismo,” ngunit sa praktika, naiipit sa proseso ng pag-apruba ang mga kritikal na artikulo. Sa pagitan ng katotohanan at kaligtasan, pinipilit mamili ang manunulat.

Ngunit sa seksiyong pampalakasan, hindi na kailangang mamili. Walang obligasyong pagandahin ang ulat. Sa mga pagkatalo, puwedeng tahasang ituro ang sanhi: sablay na opensiba, kulang sa ensayo, maling estratehiya. Sa ganitong espasyo, nagkakaroon ng laya ang pag-iisip ng manunulat, dahil pinapayagan masambit ang totoo.

Mula sa pananaw ng self-determination theory nina Deci at Ryan, mahalaga ang autonomy para sa kalusugan ng isip at motibasyon. Kaya’t kahit sa simpleng recap ng laro, nakatutulong ang kakayahang maglahad ng totoo sa damdaming may saysay ang ginagawa — isang damdaming bihirang madama sa mga institusyong may anyo ng kontrol.

Kapag pinag-uusapan ang press freedom, karaniwang iniisip ang mga pambansang isyu: red-tagging, state censorship, political repression. Ngunit sa kampus, mas tahimik at tuso ang anyo ng pagsikil. Hindi tuwirang pagbawal, kundi paghimok na “i-rephrase,” “i-tonedown,” o “i-frame nang mas positibo.”

Ayon sa isang opinyon mula sa Philippine Star na tumatalakay sa kaso ng The SPARK at iba pang publikasyong nakararanas ng presyur mula sa administrasyon, ang ganitong uri ng kontrol ay tumitindig bilang banta sa diwa ng campus journalism. Sa kasalukuyan, kulang ang konkretong mekanismo upang protektahan ang mga student publication laban sa budget cuts, censorship, at administratibong pakikialam sa editorial content. Dahil hindi rin ganap na naipatutupad o napapalakas ang Campus Journalism Act of 1991, lumulutang ang panawagang patatagin pa ang mga batas at patakaran na tunay na magtatanggol sa malayang pamamahayag sa loob ng akademya.

Sa sports, bihira ang ganitong uri ng interbensyon. Hindi kailangang baguhin ang resulta ng laban. Hindi kailangan ilagay ang “nagpakitang gilas kahit natalo,” dahil alam ng mambabasa na bahagi ito ng laro. 

Hindi nagsisinungaling ang scoreboard — walang kailangang idagdag na eufemismo.
Hindi lumilikha ng kahihiyan ang pagkatalo. Namumuo ang kahihiyan sa pagtanggi sa pagkukulang. Sa patakarang “kung hindi panalo, huwag nang isulat,” nawawala ang pagkakataon para sa mas malalim na pagsusuri — para sa manunulat at sa mambabasa.

Sa mga bansang may mataas na media literacy, gaya ng Finland, Denmark, at Canada, itinuturo sa kabataan na ang balita ay hindi lang pagdiriwang ng tagumpay kundi pagbubunyag ng kabuuan ng karanasan; tagumpay man o pagkukulang.

Sa Pilipinas, lalo na sa loob ng mga kampus na takot masabihang “magulo” o “pabigat,” ang midya ay kadalasang tinatratong PR department. Mahigpit ang script. Mahigpit ang blocking. At kung ang eksena ay hindi maganda sa kamera, madalas ay hindi na ito ipapalabas. Ang pagkatalo ay tinatago sa backstage. Ang resulta: maraming publikasyon ang gumaganap, pero hindi nagsasalaysay.

Kung tanging pagpapabango ng reputasyon ang papel ng peryodiko, nawawala ang mismong pundasyon nito. Kapag puro liwanag ang ipinipinta ng peryodiko, nasusunog ang balanse pagkat ang  katotohanan ay hindi laging maganda, pero laging mahalaga.

Sa kabila ng mababang tingin sa sports section, nananatiling tapat ang pahinang ito. Kailangan pangalanan ang pagkatalo. Kailangan ipaliwanag ang sablay. Hindi tinatakasan ang hindi pagkapanalo — sa halip, kinikilala ito.

Ganiyan dapat ang bawat pahina ng peryodiko: may tapang magsabi ng buo — hindi lang ang panalo, kundi pati ang pagkukulang. Dahil ang katapatan ay hindi saklaw ng kategorya, kundi tungkulin ng pamamahayag.

Sa mundong takot humarap sa pagkukulang, nagiging anyo ng paglaya ang pagtukoy sa pagkatalo.
At sa hinaharap, hindi lamang ang pahina ng sports ang maging tahanan ng paninindigan. Di nagpapasindak, maisawalat lamang ang katotohanan sa bayan.