Gilas Women kinapos sa matinding pagbalikwas kontra Japan sa FIBA Asia Cup 2025
John Aldrin Cullat
Naunsyami ang late-surge ng Gilas Pilipinas Women's team matapos maungusan ng World No. 9 Japan, 85-82, upang ibulsa ang ikalawang kabiguan sa kanilang kampanya sa 2025 FIBA Women’s Asia Cup nitong Lunes, Hulyo 14 sa Shenzhen Bay Sports Center, China.
![]() |
Photo Courtesy of FIBA. |
Kumamada ng double-double figure na 24 puntos mula sa 10-of-18 field goal at 14 rebounds ang team captain ng Gilas Pilipinas na si Jack Animam, habang may tig-13 puntos sina Vanessa De Jesus at Naomi Panganiban sa dramatikong kabiguan.
Humarurot ang Pinay hoopers matapos magtayo ng 18-0 run sa pangunguna ni Animam para muling buhayin ang puso ng Gilas at idikit sa lima ang deficit mula 83-61 patungong 83-79 sa huling 15 segundo ng bakbakan.
Subalit napurnada ang pag-alagwa ng Gilas nang kalmadong maipasok ni Monica Okaye ang dalawang free-throw mula sa intentional foul ni Sumayah Sugapong para bigyan ng 12.1 segundong posesyon ang mga Pinay, 85-79.
Nagsalpak ng tres ang Filipina guard na si De Jesus subalit kinapos matapos ubusin ng Japan ang oras sa huling posession tangan ang tatlong kalamangan upang masungkit ang ikalawang panalo sa torneyo, 85-82.
“Well again, it’s a tough loss. But a good bounce back from yesterday’s game. I think the girls [have] more grit now, they’re playing together and hopefully, we get one more game as good as this and we’ll be okay,” saad ni head coach Pat Aquino.
Maagang umarangkada ang mga Haponesa matapos magbuslo ng 21 puntos na kalamangan sa 1st half, 55-34, mula sa tres ni Norika Konno.
Kayod-marino ang kampo ni coach Aquino matapos pahupain ang 21 deficit sa 12 sa pagsapit ng third frame, 62-50, sa pamumuno nina Animam, Surada, at Panganiban.
Subalit agad rumesbak ang mga Haponesa matapos magpaulan ng siyam na sunod na puntos sa huling dalawang minuto para muling ibandera ang mahigit dalawampung bentahe, 71-50 kasunod ng charity point ni Yuki Mizayawa bago mapurnada ang pananalasa ng mga Pinay.
Kumonekta si Maki Takada ng 20 puntos mula sa 7-of-10 shooting habang may 15 markers naman si Minami Yabu para pangunahan ang pagtakas ng Japan.
Bagama’t kinapos sa unang pagkapanalo, positibo pa rin ang mentalidad ng kapitana ng Gilas na si Animam.
“Even though we lost, it still feels like a win for us because of how we played together and how we bounced back from yesterday’s loss,” saad ng six-foot-five na Animam.
Tangan ang 0-2 kartada sa Group B, haharapin naman ng world ranked no. 44 na Gilas women ang ranked no. 54 na Lebanon sa Hulyo 16, 1:30 ng hapon, para sa pag-asang makopo ang kauna-unahang panalo sa naturang torneyo.