Bernadette Soriano

Batang beterano ng track at sim racing, panalo sa Formula 4 Rookie Cup

Hindi bago sa pangalan ng karera si Inigo Anton. Bata pa lang siya, kabisado na niya ang tunog ng gulong sa aspalto, ang ritmo ng preno’t kambiyo, at ang taktika ng bawat liko. Ngayon, sa edad na bente, siya na ang pinakabatang Pilipinong umangat sa Formula 4 Southeast Asia Rookie Cup, at nagtapos bilang ikatlo sa kabuuang standings.


Isang malaking tagumpay ito para sa isang baguhan—pero kung si Inigo ang tatanungin, hindi ito tsamba. Dekada na siyang humahataw.

Bata sa edad, beterano sa bilis

Nag-umpisa si Inigo bilang kart racer sa edad na walo. Noong sampung taon siya, tinabla niya ang mas matatanda sa Touge Battle sa Clark, isang paakyatang karera kung saan panalo ang may diskarte at tapang. Mula noon, hindi na siya lumingon pa.

Sa karting, slalom, autocross, at circuit racing, naging paborito siya ng podium. Naabot niya ang titulong National Novice Karter of the Year, Slalom at Autocross Champion, at minsang binasag ang track record sa Tarlac Circuit—isa sa pinakamatinding patunay ng kanyang kakayahan.

Panalo pa rin mapa-track o screen

Pero hindi lang sa aktuwal na track naglalaro si Anton. Isa rin siyang world-class sim racer—at sa dami ng kanyang sinalihang online competitions, kabilang ang Le Mans Virtual at Olympic Esports Week, nasanay na siyang makipagsabayan sa mga beteranong dayuhan.

Ayon sa kanya, ang sim racing ang nagturo sa kanya ng consistency at focus. “if I didn’t do sim racing, I probably would have not won the championships I’ve had,” aniya.

Rookie sa talaan, batikan na sa karerahan

Ngayong taon, opisyal na siyang sumabak sa Formula 4 Southeast Asia, dala ang watawat ng Pilipinas at pangarap na makarating sa mas mataas pang yugto ng karera. Sa kanyang unang season, nagtala siya ng ilang rookie wins, at umangat ng tuluyan sa Rookie Cup, habang nasa P3 sa overall standings—kalaban ang mga drayber na mas matagal na sa liga.

Hindi rin siya tumigil sa rehiyon—lumipad pa-Australia para sa Formula 4 doon, at muli, nagdala ng back-to-back rookie wins sa ikatlong round. Halatang sanay si Anton sa pressure—at hindi niya binibitiwan ang manibela hangga’t hindi tapos ang laban.

Anak ng karera, anak ng disiplina

Kung tatanungin mo kung saan galing ang talento niya, isang malaking bahagi ang kanyang mga magulang. Anak siya nina Carlos at Karen Anton, parehong beterano sa karerahan. Ngunit para kay Inigo, hindi lang dugo ang susi—kundi ang paulit-ulit na ensayo, pagpapakumbaba, at dasal.

“My dad taught me how to race cars at an early age. He taught me everything I know about racing, but most importantly, he taught me the value of hard work, humility, dedication and prayers,” sabi niya sa isang panayam.

May plano. May pangarap. May direksyon.

Hindi lang siya nakasandal sa talento—may plano si Inigo. Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy pa rin ang training niya—on track, online, at off-track. Gusto niyang makarating sa mas mataas na klase ng formula racing. At kung mabibigyan ng pagkakataon, maging bahagi ng sim racing world bilang pro driver.

Bago man sa F4, sanay na si Anton sa bilis ng pit stop, gulo ng grid, at tikas ng podium.

Kung kaya’t abangan ang susunod na lap ni Inigo Anton, hindi magpapatalo sa rekta man o liko, dala ang tapang ng isang tunay na kampyong Pilipino.