Stephanie Mae Nacional 

Kapag nagkakaroon ng sunog, bawat segundo ay laban sa buhay ng mga tagapagligtas. Ngunit sa Makati, hindi na lamang tao ang sumusuong sa panganib—may bago na silang kasangga. 

Photo Courtesy of Blackpool Gazette.

Bilang karagdagang puwersa tuwing may sakuna, bumili ang Makati ng tatlong Rosenbauer Smart Firefighting Robots. Ito ay ang mga makabagong makinaryang kayang tumulong sa pag-apula ng apoy at pagligtas sa mga sitwasyong mapanganib sa buhay ng tao.

Ang robot na ito ay gawa ng Rosenbauer International, isa sa mga nangungunang kumpanya na nakabase sa Austria at dalubhasa sa teknolohiyang ginagamit para sa firefighting at disaster response.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, ang mga robots ay idinisenyo upang gumana kahit sa sobrang init at delikadong mga lugar na hindi basta mapasok ng tao.

Bukod sa tibay, may kakayahan din ang mga robot na ito na maglabas ng malakas na tunog gamit ang acoustic warning device—isang katangian na nagbibigay-babala sa mga taong nasa paligid upang maiwasan ang panganib habang isinasagawa ang operasyon.

“We recognize that being a smart city isn’t just about going digital—it’s about using technology to keep people safe and save lives when emergencies happen,” dagdag ni Binay. 

(Hindi lamang pagiging digital ang sukatan ng isang smart city—ito rin ay ang paggamit ng teknolohiya upang mapanatiling ligtas ang mga tao at makapagsagip ng buhay sa panahon ng sakuna.)

Aksyong ibinubuga nito

Bagama’t hindi gaano kalaki ang robot na ito, malaki pa rin ang papel na maaari nitong gampanan pagdating sa mismong lugar ng sunog.

Nakokontrol ito mula sa malayo gamit ang dalawang joysticks kung kaya’y mabilis itong maipapadala sa mga mapanganib na sitwasyon o pagsagip sa makikitid na espasyo. 

Dagdag pa ni Binay, kaya rin nitong magdala ng hanggang 600 kilos at magamit bilang mobile platform na hihila sa mga sugatan palabas sa pinangyarihan ng sunog. 

Sa ganitong paraan, hindi na kailangang magpadala pa ng karagdagang tao sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Pagdating sa tubig na kaya nitong ilabas, umaabot sa 1,500 hanggang 3,500 litro ang ibinubuga nito kada minuto sa pressure na 10 bar. 

May kapasidad din ang nozzle nitong maglabas ng tubig na umaabot sa 80 talampakan ang taas. Dahil dito, mainam na gamitin ang robot sa malalaking sunog kung saan kinakailangan ng mas malakas na tugon ng tao. 

Patuloy na pagpapalago

Maliban sa bagong dagdag na kasangga ng mga bumbero at rescuers sa Makati, nakapagpundar din ang lungsod ng mga sasakyan katulad ng mga mobile command at emergency communication vehicles, aerial fire ladder truck, super tanker, chemical fire trucks, rescue trucks, Urban Search and Rescue (USAR) trailers, rescue boats, mobile kitchens at clinics, motorsiklo, at mga ambulansya.

Noong 2022, kinilala ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNDRR) ang Makati bilang kauna-unahang Resilience Hub sa bansa at buong Timog-Silangang Asya.

Ibinibigay naman ng UNDRR ang pagkilalang ito sa mga lungsod at munisipalidad na may aktibong hakbang sa pagharap sa kalamidad at banta ng pagbabago ng klima.

Simula 2010, naging aktibo ang Makati sa mga pandaigdigang plataporma na naglalayong palakasin ang disaster risk reduction sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng mga plano, polisiya, at programang ipinatutupad nito, naipapakita ang mahalagang papel ng teknolohiya at urban planning sa paghubog ng isang tunay na “smart city.”

Ang firefighter robots na ipinakilala ng Makati ay hindi lamang mga makinang pinaghusay ng agham at teknolohiya. Sa mga panahong bawat segundo ay laban sa buhay, nagsisilbi itong katuwang ng mga tagapagligtas para sa pagbibigay ng seguridad sa gitna ng panganib.