Stephanie Mae Nacional

Hindi lang prutas ang makukuha sa puno ng saging—bawat hibla at balat nito ay posibleng maging materyales sa iba’t ibang industriya, lalo na sa mundo ng fashion.


Isang bagong uri ng leather gawa sa mga patapong bahagi ng puno ng saging ang binuo ng mga designer mula sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) at De La Salle University (DLSU) bilang makakalikasang bersyon ng synthetic leathers.

Kumpara sa mga leather mula sa plastik, balat ng hayop, o iba pang uri nito na hindi nabubulok at nagdudulot ng polusyon, ang banana leather ay gawa sa natural na kasangkapan kaya ito ay isang alternatibo na mas eco-friendly.

Ayon kay Tal de Guzman, isa sa mga designer ng banana leather, kahit pa mapunta ang kanilang produkto sa tambakan ng basura ay hindi ito makaaapekto nang masama, sa halip ay mabubulok na lamang dahil sa mga kagamitang ginamit sa paggawa nito.

Dagdag pa niya, dekalidad at matibay ang kanilang produkto kaya’t hindi na kailangang isakripisyo ng mga konsyumer ang isa sa dalawang mahalagang katangiang ito pagdating sa mga kagamitang leather.  

Likha na makakalikasan

Sa kasaganaan ng puno ng saging sa Pilipinas, hindi na nakagugulat ang pagpili rito ng mga designer bilang pangunahing materyales. 

Gamit ang mga patapong bahagi na maaaring makuha sa mga lugar na hitik sa saging, hindi na nila kailangan pang magtanim para lamang putulin at gamitin sa produkto nila—patunay ng pagiging likas-kaya nito. 

Kaya naman, kasama ni de Guzman ang dalawa pang designers na sina Micca Amor at Vinz Mamalateo upang mabusising gawin ang banana leather hanggang maabot ang nais nilang pamantayan. 

Sinimulan ito sa paghahanap ng mga puno ng saging at kinuha ang mga bahaging patapon katulad ng balat o katawan nito. 

Mula sa mga patapon na nakuha, hinihiwalay nila ang mga banana fibers o hibla nito sa tulong ng extraction. Saka naman ito nililinis at nilalagyan ng treatment na anti-mold para mas tumibay at hindi magkaroon ng amag. 

Kapag nalagyan na ng karapatang gamot ang mga hibla ay saka naman sinasama sa bio-based mixture kung saan naghahalo ang banana fibers at alginate.

Ihinalo ang alginate dahil ito ay ang natural na pandikit o binder para dumikit at tumibay ang mga hibla na nakuha nila. 

Ayon kay de Guzman, matibay ang banana leather nila dahil sa alginate na magbago man ang hugis ay hindi agad nasisira kahit ito ay magusot.

Para sa grupo, nais nilang makabuo ng lokal na produkto pagdating sa industriya ng leather. 

Pakinabang sa patapon

Bagama't maraming uri ng synthetic leather ang kilala sa merkado ngayon, mukhang kayang makipagsabayan ng banana leather pagdating sa disenyo at kalidad.

“Hindi siya galing sa hayop, hindi siya plastic. More designers really want to be able to explore materials that won't kill our planet," ani De Guzman.

(Mas maraming designer ngayon ang nais gumamit ng mga materyales na hindi nakasisira sa planeta.)

Sa ngayon, nakatuon muna ang pansin ng grupo sa pagbuo ng mga sandals at pouch na maaaring magamit sa pang-araw-araw na buhay.

Inaasahang madaragdagan pa ito, dahil posible ring gamitin ang banana leather sa paggawa ng kasuotan, bag, at iba pang palamuti sa pananamit bilang isang makakalikasang alternatibo sa tradisyonal na materyales.

Isang patunay ang bawat hibla at balat ng banana leather na may puwang ang kalikasan sa makabagong produksyon at maaaring maging susi sa likas-kayang direksyon ng industriyang tulad ng fashion.