Daniela Dizon at Aifer Jacutin

Silang mga kumakayod mula sa katirikan ng hanggang sa sumapit ang gabi upang makuha ang kanilang mga pangngailangan at makapagsilbi sa bayan ang karaniwang nasa laylayan at napababayaan. Silang mga nasa ilalim ngunit patuloy na nagbabanat ng buto upang marating ang tuktok ang siya pang patuloy na inilulubog.


Sila ang mga manggagawang Pilipino, silang walang tigil sa paggawa ngunit hindi pa rin sumasapat ang kinikita, bagkus nagkukulang at inuutay-utay para mapagkasiya ang kakarampot na kita sa isang araw.

Kilala ang Pilipinas bilang nangungunang bansa pagdating sa labor export. Marami sa atin ang mas pinipiling mangibang-bayan kaysa magtrabaho sa lupang tinubuan dahil sa samu’t saring dahilan. Kamakailan, tinagurian ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang pinakamasama para sa mga manggagawa, bakit kaya?

Si Weng

Sa maghapong pagroronda at pagbabantay, iginapang ni Weng ang araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Sa 12 taon na pagtatrabaho bilang security guard sa isang lumang mall sa Cainta, Rizal mula pa noong 2013, itinaguyod niya ang pangarap ng kanyang mga anak na makatapos ng pag-aaral. Ayon sa kanya, malaki ang agwat kumpara sa kita ng mga katulad niyang manggagawa kung ihahalintulad sa ibang bansa. Bagaman aniya sapat ang sahod, madalas pa rin siyang makaramdam ng kakulangan. 

Ayon sa isang kilalang job hunting website, tinatayang nasa ₱17,559 ang average salary ng isang security guard kada buwan sa Pilipinas at depende pa ito sa lokasyon at kung anong security agency ang may hawak sa kanila. Kung ikukumpara ang sahod sa mga karatig na bansa, mababa pa ito. Sa Singapore halimbawa, umaabot sa ₱82,998.44 ang average salary ng isang security guard doon.

Para sa manggagawang tulad ni Weng, sapat na sa kanya ang kanyang kinikita ngunit may mensahe siya para sa publiko at kapwa manggagawa: 

“Maging patas lang sa trabaho. Kung sa pasahod, okay lang naman basta maayos lang sila lahat.” 

Hindi na siya naghahangad pa ng mas malaking sahod basta para sa kanya, ang pagiging makatarungan at matapat ang pinakamahalaga.

Sina David, Patrick at Jolly 

Sa kabilang banda, apat na buwan naman nang naninilbihan bilang store assistant sa isang kilalang kumpanya si David. Sa panayam sa kanya, inamin niyang madalas siyang makadama ng stress araw-araw sa trabaho lalo na kapag nakasasalubong siya ng makukulit na customer. Ayon sa kanya, hindi patas ang sahod dahil sa mabigat ang trabaho at marami ang oras na ginugugol. Maayos naman aniya ang sistema ng kumpanya, ngunit ‘di pa rin sasapat ang kanilang pasahod. Kaya hiling niya, magkaroon ng pagtaas ng kanilang sahod upang makatugon sa tunay na halaga ng kanyang pinaghihirapan.

Grab driver naman mula pa noong Mayo 2019 si Patrick. Sa loob ng halos anim na taong lumipas, madalas niyang suungin ang malalang problema ng bansa sa traffic, matinding init at malakas na ulan at pagbaha kung minsan. Sa kabila ng kinikita na tinawag niyang “saktohan lang,” nababahala siya dahil patuloy na bumababa ang delivery fees at mababang sweldo sa kabila ng mataas na gastos sa gasolina. Kung kaya’t hiling niya sa susunod na limang taon ang umento sa sahod at delivery fees upang mas maging patas ang kita ng mga kagaya niyang delivery rider.

Sa huli, si Jolly — service crew sa isang fast‑food chain, na isang buwan na sa kanyang trabaho. Nakararanas siya ng mababang pasahod, pabago‑bagong schedule at hindi organisadong pamamahala. Bagaman makatarungan umano ang sahod para sa part‑time na trabaho, malayo ito sa minimum wage na kailangan para makaipon o matustusan man lamang ang pang-araw-araw na gastusin. Itinuturing niya ang sistema bilang isang anyo ng kapitalismo na pinabababa ang sahod ng manggagawa. Kaya ang kanyang panawagan: itaas ang minimum wage at ipagpatuloy ang dagdag na ₱200 para sa mga part-timer.

Hindi pantay na kita

Hindi maikakaila ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga  bilihin — mula sa bigas at langis, hanggang sa pamasahe at kuryente. Gayunpaman, hindi sumasabay ang kita ng mga manggagawa sa mabilis na agos ng inflation. Sa NCR, ang minimum wage ay kasalukuyang nasa ₱658 para sa mga nasa sektor ng agrikultura at ₱695 para sa mga hindi. Sa maraming probinsya, nananatili naman ang minimum wage sa halagang hindi man lang sasapat para sa arawang pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino dahil naglalaro lamang ito mula ₱400 hanggang ₱421.71. Lubhang napakaliit kung kaya’t napipilitang magtipid ang mga manggagawang Pilipino pagdating sa pagkain, edukasyon at kalusugan.

Dagdag pa rito ang hindi pantay na kita batay sa lokasyon at posisyon. May mga manggagawang nasa parehong industriya ngunit malaki ang agwat ng sweldo, lalo na kung sila ay kontraktuwal, part-timer, o walang benepisyo, na siyang nagpapalala sa kawalan ng pagkakapantay-pantay sa sahod na manipestasyon naman ng isang sistemang hindi makatarungan para sa nakararami.

Nabanggit ni National Wages and Productivity Commission (NWPC) Executive Director Maria Criselda Sy sa isang panayam na may iba’t ibang salik sa pagtatakda ng minimum wage:

"Ayon po sa Republic Act 6727, meron po tayong sampung factors na kino-consider sa pagtatakda ng minimum wage... We categorize this into three major factors. Ang una po dito ay ‘yong needs of workers and their families. Pangalawa po ay ‘yong capacity of employers to pay. At ‘yong pangatlo po ay ‘yong ating requirement of economic development.” 

Nangangahulugan ito na ang pagtatakda ng minimum wage ay nakabatay pa rin sa mga konsiderasyong nabanggit at binabalanse pa rin ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang interes ng manggagawa at mga negosyante.

Ayon naman kay Marianne Joy Vital, isang researcher, magkakaiba ang lebel ng presyo at kapasidad na gumastos sa iba’t ibang rehiyon. 

“Kahit papaano ay pinapantayan naman ng legislated minimum wage ang kakayahan ng mga manggagawa na gumastos,” saad niya.

Magkakaiba ang kondisyong pang-ekonomiya sa bawat lugar sa bansa. Bawat rehiyon ay may iba’t ibang cost of living maging ang kakayahan ng mga tao para gumastos. May mga lugar na mataas ang presyo ng bilihin at may iba namang higit na mas mababa. Ang itinatakdang minimum wage sa isang lugar ay sinusubukan pa ring tumbasan ang araw-araw na gastusin upang makasabay. Bagaman hindi perpekto ay nakatutulong ito upang hindi kapusin sa araw-araw na gastusin.

Subalit may mga pagkakataon na halos hindi naman nagkakalayo ang lebel ng presyo sa mga rehiyon lalo na iyong mga malapit sa NCR. Halimbawa na lamang sa dalawang mall na magkatabi ngunit magkaiba ang kinabibilangang rehiyon. Ang Sta. Lucia Mall ay bahagi ng Cainta kaya ang mga manggagawa doon ay sumasahod ng naaayon sa minimum wage na itinakda para sa Region IV-A. Ilang hakbang mula dito ay ang Robinson Metro East kung saan bahagi ito ng Pasig kaya ito ay kabilang sa NCR.

Kawalan ng seguridad

Hindi lahat ng may trabaho, may katiyakan sa kanilang kinabukasan. Laganap pa rin ang endo o end of contract system, kung saan ang mga manggagawa ay natatanggal pagkatapos lamang ng ilang buwang serbisyo upang iwasan ang regularisasyon. Nagdudulot ito ng matinding kawalan ng seguridad at patuloy na pangamba kung kailan muling magkakaroon ng hanapbuhay.

Bukod pa rito, marami sa mga trabahong mababa ang kita ay may kasamang matinding panganib. Sa araw-araw, maraming construction worker, delivery rider at driver ang nalalagay sa peligro nang walang sapat na insurance o safety equipment. Kapag sila ay nasugatan o nagkasakit, madalas sariling gastos ang kanilang pagpapagamot — isang patunay ng kakulangan sa proteksyon at mga benepisyong nararapat nilang matanggap.

Kakulangan sa representasyon

Bagaman may mga umiiral na batas na layong protektahan ang mga manggagawa kagaya ng Labor Code of the Philippines na nagtatakda ng mga karapatan at obligasyon ng mga manggagawa at employer, Wage Rationalization Act na nagsasaad ng mandato para sa pagsasaayos ng pinakamababang sahod o minimum wage, Anti Age Discrimination Law na nagbabawal sa anumang uri ng diskriminasyon sa anumang bahagi ng employment, The Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na pumoprotekta laban sa anumang uri ng sekswal na pang-aabuso, Occupational Safety and Health Standards 2018 na nangangalaga sa kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa, marami sa mga ito ang hindi naipatutupad nang maayos. Maraming empleyado ang hindi rin ganap na alam ang kanilang mga karapatan kung kaya’t sa takot na mawalan ng trabaho, pinipili na lamang nilang manahimik kadalasan kahit pa hindi na makatao ang kanilang sitwasyon.

Maging ang mga unyon na dapat sana ay tagapagtanggol ng mga karapatan, kumakaharap  din ng panggigipit mula sa ilang kumpanya. Tulad ng ginawang paniniil ng Nexperia Philippines sa mga manggagawa nito kung saan sapilitang pinapapasok ang mga empleyado kahit na holiday, pagtanggal sa trabaho ng 54 manggagawang kabilang sa unyon, pagsibak sa apat na opisyal ng unyon na nanguna sa pagkasa ng welga at hindi pagkilala sa karapatan nila bilang manggagawa. 

Sa kakulangan ng representasyon sa mga pampolitikal na desisyon, lalo lang lumalawak ang agwat ng kapangyarihan sa pagitan ng employer at empleyado na siyang nagluluwal ng mga panawagan para sa mas inklusibong mga polisiya at aktibong pakikilahok ng mga manggagawa sa paghubog ng kanilang kinabukasan.

Makabagong uri ng pagtatrabaho

Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ang pag-usbong din ng sistema ng pagtatrabaho kung saan nababayaran ang manggagawa kada delivery, task, o proyekto. Marami ang nahihikayat sa pagiging delivery rider, online freelancer, o app-based driver bunsod na rin ng kalayaang magtakda ng sariling oras. Ngunit sa kabila nito, walang kasiguraduhan sa sahod, benepisyo, o proteksyon laban sa aksidente ang ganitong uri ng mga hanapbuhay.

Sa sistemang ito, ang karaniwang manggagawa ay walang employer-employee relationship, kaya’t wala ring obligasyon ang kumpanya na bigyan sila ng healthcare, paid leave, o retirement benefits. Habang modernong pakinggan, sa aktwal na karanasan ay paulit-ulit pa rin ang istorya ng kakulangan sa suporta — patunay na kahit makabago ang trabaho, lumang suliranin pa rin ang kinahaharap ng mga empleyado.

Kalusugan at kalagayang pangkaisipan

Madalas nakalilimutan na hindi lamang sa aspetong pisikal ang kapakanan ng mga manggagawa kundi pati mental at emosyonal. Marami ang mga kagaya ni David na dumaranas ng sobrang stress, burnout at anxiety dulot ng mabigat na workload, toxic na pamumuno, o kakulangan sa pahinga. Sa mga lugar ng trabaho kung saan hindi pinahahalagahan ang well-being, madalas nauuwi ang empleyado sa pagkasira ng loob at kalusugan.

Karamihan sa mga manggagawa ay walang access sa mental health services o paid sick leaves. Ang iba ay pinipilit pa ring pumasok kahit may sakit, dala ng takot na mawalan ng kita o matanggal sa trabaho. Hindi lamang mapanganib ang ganitong sistema, hindi rin ito makatao. Mas magiging produktibo sa trabaho ang isang manggagawa kung natitiyak ang kanilang kalusugan mental man, emosyonal, o pisikal.

Boses ng sambayanan

Mula sa mga karanasan ng iba’t ibang manggagawa, ramdam ang mahirap at nakapapagod na kalagayan nila sa ating bansa. Ayon sa International Trade Union Confederation (ITUC) Global Rights Index, lumabas na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang mapaniil pagdating sa mga manggagawa sa loob ng siyam na magkakasunod na taon.

Sumasalamin sa tunay na kondisyon ng mga manggagawang Pilipino ang resulta ng ginawang pandaigdigang pagsusuri pagdating sa kanilang kalagayan at karapatan. Ngayong taon, nakakuha ng limang puntos ang Pilipinas, nangangahulugan ito ng “No guarantee of rights.” Indikasyon ito na walang katiyakan pagdating sa kanilang mga karapatan ang ating mga manggagawa, kung saan binabalewala ang kanilang tinig at hindi kinikilala ang kanilang mga karapatang ipinaglalaban.

Isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga manggagawa sa Pilipinas ay dahil sa kakulangan nila ng representasyon. Sa bawat indibidwal na bumubuo sa lipunan, mahalaga ang mga samahan at unyon para marinig ang kanilang daing at boses.

Ngunit paano sila maririnig, paano malalaman ang kanilang mga ipinaglalaban kung pilit na binubuwag ng sistemang mayroon sa bansa ang pagkakataong naibigay sana sa mga manggagawa para maipaglaban ang kanilang mga karapatan?

Tulad ng buhay nina Weng, David, Patrick at Jolly, maraming manggagawa ang may ipinaglalaban at nais makamit. Sa lipunang mayroon tayo ngayon, dapat pang mapalakas ang kanilang mga panawagan upang maipaglaban at matamasa nila nang tuluyan ang kanilang mga karapatan. 

Mula sa pagiging isa sa mga masasamang bansa para sa mga manggagawa, kayanin kaya ng Pilipinas na maging makamasa naman kung saan bawat manggagawa ay ligtas, patas at nagtatrabaho nang makatarungan?

Ang mga manggagawa ang tunay na puso ng ekonomiya, ngunit kung patuloy silang babalewalain, hindi uunlad ang buong bayan. Hindi sapat na sabihing “may trabaho naman” dahil balewala ito kung hindi ito makatao at walang nakukuhang benepisyo mula rito. 

Panahon na upang tunay na pakinggan ang hinaing ng mga nasa laylayan ng lipunan. Sa pagtutok sa kanilang kapakanan, hindi lamang sila ang aangat kundi ang buong sambayanan. Kung tunay na makamasa ang layunin, kailangang siguruhing hindi masama ang sistemang kumakatawan sa kanilang kinabukasan.

Na sana, silang mga manggagawang Pilipino, silang walang tigil sa paggawa at pagbabanat ng buto, matamasa ang bunga ng kanilang pagpapagal.