PEARL-FECTLY TOLD: Her story, her truth
Maria Samantha Cristobal
Sino ba si Pearl sa likod ng kamera?
Sa likod ng kanyang makulay na kwento, malakas na halakhak at pagiging bukas sa kanyang personal na buhay, sino nga ba si Pearl Gatdula sa likod ng lente?
Una siyang nakilala bilang side character sa Gameboys — isang karakter na laging may bagong kwento tungkol sa pag-ibig at buhay. Ngayon sa sarili niyang istorya sa Pearl Next Door — isang Filipino web series mula sa The IdeaFirst Company na ipinalabas sa YouTube noong Oktubre 2020, natunghayan ang kanyang paglalakbay sa buhay sa gitna ng pandemya.
Binigyang buhay ni Adrianna So ang katauhan ni Pearl sa ilalim ng direksyon ni Ivan Andrew Payawal at sa panulat ni Keavy Eunice Vicente. Ipinakita ng serye kung paano ang naging paglalakbay ni Pearl sa kanyang buhay sa gitna ng COVID-19 quarantine, pag-ibig, pagkakakilanlan at pagpapahalaga sa sarili.
Sa pamamagitan ng screenlife storytelling kagaya ng video chats, tawag at vlogs, ipinahahayag ng serye kung ano ang tunay na kahulugan ng pagmamahal at pagpili sa sarili maging ang tunay na kabuluhan at kulay ng kontemporaryong relasyon.
Sa gitna ng pag-ibig, pagkakaibigan at pagkakakilanlan
Nagsimula ang walong-yugtong serye nang mahulog si Pearl sa matagal na niyang kaibigang si Karleen (Iana Bernardez). Habang unti-unti ng nagkakaroon ng lakas ng loob si Pearl na ipagtapat ang kanyang nararamdaman, lumitaw ang mga pag-aalinlangan ni Karleen at ang kanyang masalimuot na nakaraan. Sa pag-usad ng kwento, dumating si Alex (Rachel Coates) — isang bagong karakter sa buhay ni Pearl. Napalapit si Alex kay Pearl bunsod na rin na siya ang madalas na pinagsasabihan ni Pearl ng kanyang mga what ifs at iba pang mga hinaing at tanong sa buhay. Naging sandalan siya ni Pearl sa panahon ng pandemya at quarantine period.
Sa likod ng nakalilito at magulong kwento ng pag-ibig, ipinakikita ng seryeng ito ang mga suliranin na kinahaharap ng mga tauhan at kanilang panloob na emosyonal na tunggalian, ang pagdiskubre sa kani-kanilang sariling pagkakakilanlan at ang pagtanggap at pagpapahalaga sa sarili bilang isang queer na indibidwal. Ipinakita rin sa palabas ang reyalidad ng buhay pag-ibig at pakikipagrelasyon ng mga queer — na maaari rin silang makasakit, lalo na sa mga taong pinakamalapit sa kanila kapag ang mga desisyong ginagawa nila sa gitna ng kanilang transisyon ay hindi naisasalamin nang mabuti. Ngunit ipinaaalala rin ng palabas na ang paghilom ay nagsisimula sa mga taong handang tumanggap nang buo nang walang pag-aalinlangan o paghatol.
Hindi hinayaan ni Pearl na pangunahan siya ng anumang pag-aalinlangan o pagdududa ang kanyang mga desisyon at piniling landas. Pinaaalala nito na hindi dapat maging dahilan ang pag-ibig upang isuko ang ating pagkatao.
Pagmamahal sa panahong malayo ang lahat
Birtwal lamang ang kabuuan ng serye dahil na rin sa pandemya ngunit kahit pa may pisikal na distansya, mararamdaman dito ang tapat at tunay na emosyon ng bawat karakter. Sa pamamagitan ng mga notifications, mga tawag tuwing gabi at ang nakabibinging katahimikang laman ang mga salita at emosyong hindi kayang ipahiwatig, sinasalamin nito ang paraan ng pakikipagrelasyon ng mga kabataan sa kontemporaryo at digital na panahon. Pinatutunayan nitong kahit online lamang, maaari pa ring makahanap ng tunay at tapat na pag-ibig.
Tinalakay din ng Pearl Next Door ang mga katotohanan ng pag-ibig — masalimuot, mapangahas at makapaghihintay. Kapansin-pansin din ang kakaibang istilo nito sa paglalahad ng kwento na nagsisilbing lente upang mas mapalapit pa ang mga manonood sa bawat karakter.
Pag-angat ng queer representation sa media
Isang simple ngunit kahanga-hangang hakbang sa pagsulong ng queer representation sa industriya ng media ang Pearl Next Door sapagkat nagbibigay-tinig ito sa kwento ng isang Pilipinang bisexual at inilalapit sa manonood ang kanyang sariling kwento. Sa konteksto kung saan madalas umiikot ang kwento ng mga LGBTQIA+ bilang gay male characters at coming-out arcs, kakaiba ang seryeng ito dahil mas naging sensitibo ito sa pagtalakay ng mga danas ng queer community, lalo na ng mga kababaihang bisexual. Ipinakita nito na iba't iba ang karanasan ng mga kabahagi ng queer community.
Hamon ito para sa masang sanay sa stereotypes na intindihin at makisimpatya sa mga miyembro ng LGBTIA+ community lalo na at hindi rin ito gumamit ng shock value – o iyong paggamit ng pagmamalabis at kontrobersyal na elemento para lang makakuha ng reaksyon sa manonood. Sa halip, pinapayagan nito ang mga manonood na makilala si Pearl bilang isang tunay na tao — hindi perpekto, nalilito, nagmamahal at karapat-dapat na mahalin.
Namumukod-tangi rin ang palabas sa maingat at tapat nitong paglalantad ng bisexuality dahil hindi nito ito inilalarawan bilang isang “phase” lamang sa buhay ng isang indibidwal. Dito, hindi kailangang bigyang katwiran ni Pearl ang kanyang pagka-queer at hindi rin siya ipinasok sa kwentong pipilitin siyang mamili sa pagitan ng lalaki at babae. Sa halip, ipinakita ang kanyang tunay na pagkatao nang may katapatan — kasama na ang kanyang mga karanasan sa buhay na puno ng mga pagsubok, pagbabago at lalim. Bihirang-bihira ang ganitong representasyon ng queer sa mainstream sapagkat ang mga kababaihang umiibig sa kapwa babae ay madalas hindi nakikita at kung sakali man, kadalasang inilalarawan bilang ligaw, malungkot, o pansamantala lamang ang kanilang nararamdaman.
Pagyakap sa sariling tinig sa gitna ng katahimikan
Ipinahahayag ng Pearl Next Door ang isang totoong kwento gamit ang isang progresibong lenteng nagbibigay tuon sa mga karanasan ni Pearl mula sa kanyang perspektibo, bitbit ang kanyang tinig, pag-aalinlangan, kanyang mga danas at higit sa lahat, ang kanyang tapang. Pinagtitibay nito na ang mga kwento ng kababaihang queer ay hindi dapat umiikot lamang sa pagtanggi, pagkapahiya, o pagkawala, kung hindi sa mga emosyonal na paglalakbay na makatotohanan at makahulugan.
Naiiba ang Pearl Next Door dahil sa tunay na paglalarawan nito sa pagiging bisexual. Hindi nito minamaliit bilang isang "panandaliang yugto" o isang pampanitikang elemento ang kanilang kwento. Sa halip, ang kanyang pagkatao at paglalakabay sa kwento ay inilalarawan na tunay at hindi hiwalay sa danas ng ibang miyembro ng LGBTQIA+ community sa isang patriyarkal na lipunan — na danas niya ang buhay na puno ng tunggalian, hamon sa pagdiskubre sa kanyang tunay pagkakakilanlan at pagiging sensitibo sa mga nangyayaring pagbabago sa kanyang buhay.
Pinatitibay nito na ang mga kuwento tungkol sa mga kababaihang queer ay hindi dapat magtampok ng mga pagtanggi o mga kahihiyan, kung hindi isang tunay at makabuluhang emosyonal na mga paglalakbay. Binabago nito ang pokus mula sa tokenism na pamamaraan ng pagrerepresenta sa mga miyembro ng LGBTIA+ community sa media kung saan kadalasan ang kanilang representasyon ay pawang surface-level lamang at ginagawang pang-display ang karakter para masabing inklusibo ang isang palabas. Ang seryeng Pearl Next Door ay nagpakita ng makatotohanan at makabuluhang representasyon ng mga queer na indibidwal pagdating sa kanilang pakikipagrelasyon. Ito ay nagbibigay ng bagong karanasan para sa mga miyembro ng queer community bilang consumer ng media na sa wakas, sila naman ang bida at nasa sentro ng palabas na nasa mainstream.
Bagaman ito ay isang simple at payak na pagpapahayag, malaki ang naging ambag ng seryeng ito sa representasyon ng kababaihang bisexual sa mainstream media. Nagsisilbi itong paalala para sa mga manonood at mga producer ng mga palabas kung ano nga ba ang tunay na representasyon ang karapat-dapat igawad sa mga miyembro ng minorya tulad ng mga LGBTQIA+ community.
Higit pa rito, pinatutunayan ng seryeng ito na ang pagbabago ay posible — na ang mga luma at makitid na pananaw ay maaaring matunaw at mapalitan ng mas bukas na isipan, mas malawak na pang-unawa at higit sa lahat, ng pagtanggap nang walang kondisyon.
Sa ganitong paraan, nagiging pag-asa ang Pearl Next Door sa paghubog ng isang lipunan kung saan lahat ay may puwang at karapat-dapat mahalin.