Stephanie Mae Nacional


Sa malawak na kagubatan ng Mindoro, nananatiling lihim ang maraming anyo ng buhay—partikular na ang mga hayop na matagal nang nagkukubli sa lilim, naghihintay lamang na matuklasan.


Photo Courtesy of UP Diliman College of Science.

Tatlong bagong uri ng dagang-gubat na endemiko o tanging sa Mindoro lamang matatagpuan ang natuklasan ng mga field biologist sa pangunguna ni Dr. Danilo Balete, sa isinagawang paglalakbay mula 2013 hanggang 2017. Ang Mindoro ay sinasabing tahanan ng mga natatanging uri ng hayop na kabilang sa mammalian wildlife. Ilan sa mga kilalang hayop na endemiko rito ay ang tamaraw, Mindoro warty pig, at Mindoro shrew. Sa loob ng maraming dekada, ang tanging naitalang uri ng dagang-gubat na matatagpuan lamang sa Mindoro ay ang Apomys gracilirostris—isang dagang may payat na nguso na unang naitala noong 1995 at likas lamang sa Mt. Halcon. Ngunit dahil sa paglalakbay nina Balete, ang dating isang uri lamang na dagang-gubat ng Mindoro ay nadagdagan na ng tatlo. Laki sa anino ng Mindoro
Ang tatlong bagong tuklas na dagang-gubat ay tinawag na Apomys veluzi, Apomys crinitus, at Apomys minor—na pinangalanan batay sa kanilang pisikal na anyo, habang ang isa naman ay ipinangalan bilang parangal sa isang kilalang mammalogist. Pagdating sa pisikal na wangis ng A. veluzi, mapapansin dito ang kayumangging likod at maputing tiyan habang ang mukha ay tila nababalot ng maskara dahil sa madilim na balahibo sa bahaging ito. Hindi naman nalalayo ang kulay ng A. crinitus sa nauna, ngunit higit na agaw-pansin ang mga puting hibla ng balahibo sa likod ng tainga nito na nagsisilbing marka upang makilala bilang isang bagong uri ng dagang-gubat. Pinakamaliit sa tatlo ang A. minor, na may hindi gaanong katingkad na kayumanggi sa tiyan imbes na kulay krema. At gaya ng iba pa, kapansin-pansin din ang kawalan ng matutulis at baluktot na kuko nito kumpara sa A. gracilirostris. Natuklasan nina Balete na ang tatlong uri ng dagang-gubat ay naninirahan sa iba't ibang bahagi ng Mindoro. Ang A. veluzi ay natuklasan sa Mt. Abra de Ilog at ipinangalan kay Maria Josefa “Sweepea” Veluz, isang yumaong mammalogist mula sa National Museum of Natural History of the Philippines na naglaan ng kaniyang buhay sa pagpabubuti ng biodiversity sa bansa. Samantala, ang A. crinitus mula sa Mt. Iglit-Baco ay pinangalanan mula sa salitang Latin na nangangahulugang “long-haired.” Habang ang A. minor, na natagpuan sa Mt. Wood at Mt. Alibug, ay ipinangalan batay sa maliit nitong anyo. Pagtuklas sa lihim ng kagubatan
Bagaman maaaring hindi halata para sa karaniwang tao ang pagkakaiba ng tatlong dagang-gubat, para kay Balete at sa kaniyang grupo, malinaw na mga bagong species ito na unang beses pa lamang naitatala sa agham. Ngunit bago pa man mailathala ang resulta ng pananaliksik, kinakailangan ang mas maraming patunay sa pahayag nina Balete. Kaya naman, matapos ang paglalakbay noong 2017 ay nakipagtulungan sila kina Dr. Mariano Roy Duya at Melizar Duya mula sa University of the Philippines Diliman College of Science Institute of Biology, at iba pang biologists mula sa Estados Unidos upang pag-aralan ang genes, balahibo, at estruktura ng mga bungo nito. Sinimulan nila sa maingat na pagsusuri ng maliliit na bungo ng mga daga kung saan sinukat nila ang pinakamaliit na bahagi nito gamit ang espesyal na mikroskopyo. Kasabay nito, ang DNA na nakuha mula sa mga tisyu ng daga na naipreserba sa concentrated ethanol ang nagsilbing gabay sa mga eksperto para matukoy ang pinagmulan ng bawat isa. Matapos ang halos sampung taon ng pagsisiyasat sa laboratoryo at mga pinagdaanang pagsubok dahil sa pandemyang dala ng COVID-19, nakakalap sila ng maraming ebidensiya mula sa hugis, genes, at lugar kung saan nakuha ang mga ito. Dahil dito, napagtanto ng grupo na hindi lamang isa ang endemikong dagang-gubat sa Mindoro, kundi tatlo. Ang pagkakatuklas dito ay nagtaas ng bilang ng mga endemikong hayop sa lugar mula siyam patungong 12 o mahigit 33% na pagtaas. Makasaysayang ebolusyon ng bagong dagang-gubat
Higit pa sa pagtuklas ng tatlong bagong uri ng daga, natukoy din ng grupo ang kasaysayan at pag-usbong ng mga hayop na ito sa Mindoro. Ayon sa pag-aaral nina Balete, 4.7 milyong taon na ang nakaraan nang unang dumating sa Mindoro galing sa Luzon ang mga ninuno ng dagang-gubat. Hindi man nila mabatid hanggang ngayon kung paano nakaligtas ang mga ito ay pinaniniwalaang inanod ito sa dagat sakay ng troso o iba pang lumulutang na basura tuwing may bagyo. Pagdating nila sa Mindoro, kumalat sila at dumami sa mga kabundukan, ngunit dahil matarik at mahirap marating ang mga bundok, unti-unti silang nahiwalay sa isa’t isa. Dahil sa pagkakahiwalay ng kanilang mga tirahan sa loob ng iisang isla, nagkaroon sila ng mga kakaibang katangian at naging apat na magkakaibang uri sa paglipas ng milyon-milyong taon. Tinatayang mga 1.3 milyong taon na ang nakalilipas nang mabuo ang apat na uri ng dagang-gubat na nagmula sa iisang ninuno ngunit naging magkakaiba dahil sa pamumuhay nang magkakahiwalay: ang A. gracilirostris, A. veluzi, A. crinitus, at A. minor. Ganito rin ang nangyari sa iba pang bahagi ng Pilipinas tulad ng Luzon at Mindanao. Dahil maraming isla rito ang matataas at masukal, nagsilbi itong lugar para sa mabilis na pagbabago ng mga hayop at halaman. Sa katunayan, ang Mindoro ngayon ang pinakamaliit na isla sa buong mundo na nakitaan ng ganitong klase ng pag-usbong ng mga hayop, at mas maliit pa ito kaysa sa Mindanao na sumusunod sa talaan. Ang makasaysayang ebolusyong ito ay isang dahilan kung bakit sinasabing ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa buong mundo na mayaman sa iba't ibang uri ng buhay. Hitik din ang bansa sa natatanging halaman at hayop, na masigasig na binabantayan ng mga conservationist upang mapanatili ang yaman ng kagubatan. Tungo sa mas pinaraming yaman
Ang bagong tuklas na ito ay patunay pa lamang sa mas marami pang yaman na maaaring ihatid ng mga kabundukan at kagubatan, hindi lamang sa Mindoro kundi sa buong Pilipinas. Upang mapalago at mapanatili ang mga endemikong hayop tulad ng mga bagong natuklasang dagang-gubat, nararapat lamang na pangalagaan ang kanilang mga tirahan laban sa tuloy-tuloy na pagkasira. Mahalaga ring palakasin ang pagsubaybay sa kanilang populasyon upang matukoy ang tamang hakbang para sa kanilang pangmatagalang proteksyon. Gayundin, kinakailangan ang agarang pagtugon ng gobyerno upang maisulong ang konserbasyon, habang sabayang kumikilos ang mga eksperto at mamamayan para mapanatili ang yaman ng Mindoro sa mga darating pang henerasyon. At sa mga anyo ng buhay na nakakubli pa rin sa likod ng malawak na kagubatan, hindi magtatagal at sila rin ay mabibigyang-pansin, tulad ng tatlong bagong uri ng daga sa Mindoro.