Pamimigay ng 13th month pay sa mga pensyonado ng SSS, umarangkada na
Ni Basti M. Vertudez
Bonus season na naman!
Upang maagang makuha ng mga pensyonado ang kanilang benepisyo, sinimulan na ng Social Security System (SSS) ang pamamahagi ng 13th month pay sa mga benepisyaryo nito, Disyembre 1.
Alinsunod ito sa anunsyo ng naturang ahensya nitong Huwebes sa ikinasa nitong P29.74 bilyong halaga ng pondo na nakalaan para sa pensyon ng tinatayang 3.36 milyong benepisyaryo sa unang linggo ng Disyembre.
“This year, we have also pushed for the early crediting of the 13th month and December 2022 pensions so that our pensioners can withdraw them ahead of the holiday rush,” ani SSS President at Chief Executive Officer Michael G. Regino.
Sa unang batch ng pamamahagi, ang mga pensyonadong may contingency date na mula una hanggang sa ikalabinlimang araw ng buwan ang unang makatatanggap ng benepisyo.
Samantala, ang ikalawang batch naman ay magsisimula sa Disyembre 4 para sa mga pensyonadong nakatakdang makatanggap mula Disyembre 16 hanggang sa huling araw ng buwan.
Gayunpaman, mas mapapaaga ito sa huling araw ng trabaho bago ang naturang petsa, Disyembre 2, dahil napatapat sa araw ng Linggo ang Disyembre 4.
“Since December 4, 2022, falls on a Sunday, pensioners who are set to receive their pensions on the said date can expect that these will be credited to their account starting on the last working day before it, which is December 2, 2022,” pahayag ng SSS.
Kaugnay nito, ang maagang pamamahagi ng nasabing pensyon sa mga kwalipikadong miyembro ng SSS nang hindi lalampas sa Disyembre 4 ay nauna na ring hiniling ng ahensya sa mga non-PESONet na mga bangko o yaong hindi nakapagpapadala ng malaking halaga ng pera sa elektronikong pamamaraan.
Gayundin, iniutos ng SSS sa Philippine Postal Corporation na pabilisin pa ang paghahatid ng pensyon para sa mga benepisyaryo ng ahensya.
Para kay Regino, bahagi ang maagang pamimigay ng pensyon sa pagkilala ng SSS sa mga pensyonado nito.
“Since December 1988, we have been granting our pensioners the 13th month pension, which is equivalent to their respective monthly pensions. This additional financial assistance or Christmas gift is our way of thanking them for their support to the SSS during their working years,” pagbibigay-pasasalamat ni Regino sa isang pahayag.
Ang SSS ay isang ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas na nag-aalok ng social insurance na layong bigyan ng benepisyo ang mga Pilipino pagdating sa panahon ng pagtanda, pagreretiro mula sa trabaho, kawalan na mapagkakakitaan, kapansanan, at kamatayan.
Iwinasto ni Lorraine Angel Indaya