Ni Jhennisis Valdez

PHOTO: Yahoo

'Maliit lang ambag ko, pero bakit kasama ako sa top 5? Pang-Miss Grand International ang labanan. Luto!' - Philippines. 

Mahirap kalabanin ang kalikasan, isang tira niya lamang ay pulbos ang sangkatauhan. Ngayong unti-unti nang nararamdaman ang kanyang bagsik gaya na lamang ng climate change, buong mundo ay apektado. Ngunit kung sino pa ang maliit ang ambag sa kaganapang ito, siya pa ang napuruhan nang lubusan.

Ramdam na ramdam ang epekto ng climate change sa Pilipinas. Sa katunayan ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nitong mga nakaraang taon ay sunud-sunod ang pagpasok ng mga bagyong nakailalim sa kategoryang "super typhoon" gaya na lamang ng Yolanda noong 2013. Ito ay naging dahilan kung bakit napasama ang Pilipinas sa limang bansa sa mundo na pinakaapektado ng climate change. 


Runner-up ang Pinas 

Kaugnay nito, ayon sa datos na naitala ng Global Climate Risk Index 2021, pang-apat ang Pilipinas sa bansang pinakadama ang epekto ng climate change nitong nakaraang dekada, taong 2000 hanggang 2019. Samantala nanguna naman sa listahan ang Puerto Rico, sinundan ng Myanmar, Haiti, at pang-lima naman ang Mozambique. 

Isa ang climate change sa bunga ng kapabayaan ng mga tao sa kalikasan, sinasabi ng mga eksperto na ito ay isang pangmatagalang klima ngunit hindi ito normal at hindi rin ito ang nakasanayang klima. Sa madaling salita, dito sa Pilipinas ay nakararanas tayo ng malalakas na bagyo kahit na tag-init (Marso hanggang Mayo), at matinding init naman tuwing tag-ulan (Hunyo hanggang Oktubre).

Bunsod nito, mula sa komisyoner ng Climate Change Commission na si Engr. Noel Antonio V. Gaerlan, tinatayang 0.03% lamang ang ambag ng Pilipinas sa Global Carbon Emission, na kung saan ay dahilan kung bakit lumalala ang climate change. 

Inilalarawan ang Global Carbon Emission bilang pandaigdigang pagkonsumo ng non-renewable resources na naglalabas ng malaking porsyento ng carbon emission, gaya na lamang ng uling, langis, gas, at nuclear energy na kung saan ay numero unong dahilan kung bakit lumalaganap ang climate change.

Sa kabila ng mababang bahagdan ng carbon emission na naitala sa Pilipinas, kabilang pa rin ito sa limang pinakaapektado ng nasabing isyu. 


'Wanda Vision' sa 2030 

Sa kabilang banda, ayon naman sa United Nation Inter Government Panel, sa pagdating ng 2030 at hindi pa masolusyonan ang pagpapapalit-palit ng klima, mahihirapan nang mapigilan ito, at mas titindi pa ang mga sakunang dinaranas ng sangkatauhan ngayon. 

Dahil dito, nitong nakaraang linggo lamang ay nasa 1,000 siyentipiko mula sa 25 iba’t ibang bansa ang nagprotesta sa Los Angeles, California, USA. Layunin nilang imulat ang isipan ng mga tao sa nagbabadyang panganib ng climate change sa atin pagdating ng 2030.

Tinatayang pinangunahan ang protestang ito ng isang National Aeronautics and Space Administration (NASA) climate scientist na si Peter Kalmus. Inihayag nila ang kanilang layunin sa pamamagitan ng pagpaskil ng iba’t ibang infographics na tumutukoy sa naturang isyu. 

Bukod pa rito, upang maipakita ang kanilang sensiridad sa kalikasan, karamihan sa mga ito ay idinikit ang kanilang katawan sa lugar ng kanilang pinagprotestahan. Ngunit, kinalaunan ay inaresto ang mga ito sa kadahilanang nagdulot umano ito ng pangamba sa mga tao.

“We’ve been trying to warn you guys for so many decades… the scientists of the world have been being ignored. And it’s gotta stop. We’re going to lose everything,” pagpapaliwanag ni Kalmus sa awtoridad.

Sa kabilang banda, ramdam na rin ang epekto ng kakambal ng climate change, ang global warming, na kung saan ay siyang dahilan sa malawakang pagkasunog ng mga kagubatan at kabundukan sa Australia at Brazil, at matinding pag-ulan ng yelo sa Texas, USA. 

Isa pa rito ang pangmatagalang pagbaha, na kung saan ay nangyayari ngayon sa China na nakapagtala na ng 100 tao ang namatay, at higit sa lahat ang pagkatunaw ng mga yelo sa Antarctica. 


Damay-damay na ‘to 

Bukod dito, ayon naman sa executive director ng UP Resilience Institute and Noah Center na si Dr. Mahar Lagmay, mas lalong titindi ang nararanasan ng Pilipinas, sapagkat kapag natunaw ang mga yelo sa Antarctica ay magdudulot ito ng pagtaas ng lebel ng tubig sa karagatan na magiging dahilan upang lumubog ang ilang lugar sa bansa.

Ayon sa Climate Central, ilan sa mga lugar sa bansa na maaaring lumubog pagdating ng 2050 ay ang Roxas City, Cebu City, hilagang-kanluran ng Metro Manila at ilang parte ng Bulacan, Manila City, timog-kanluran ng Metro Manila, Zamboanga City, at Iloilo City.

Inaasahan din na kapag tumaas ang lebel ng tubig ay mag-iiba naman ang klima sa bansa na kung saan ay malaking epekto ito sa biodiversity o buhay sa Pilipinas, na magdudulot ng kapahamakan hindi lang sa mga tao pati na rin sa mga hayop at halaman. 

Mas mapadadalas pa rin lalo ang pagsagupa ng malalakas na bagyong nakapaloob sa kategoryang super typhoon na makasisira ng iba't ibang magagandang destinasyon at kabuhayan sa bansa.


Lights, camera, AKSYON 

Bilang aksyon ng United Nations (UN), nagkaroon ito ng Paris Agreement na kung saan lahat ng bansa ay dapat bawasan ng kalahating porsyento ang pagkonsumo ng carbon emissions. 

Ayon sa national convenor ng Aksyon Klima Pilipinas na si Rodne Galicha, ang carbon emission ay dulot ng mga carbon-reliant energy gaya na lamang ng mga fossil fuels mula sa uling, langis, at natural gas, na kung saan malaking dagok sa ating kalikasan. 

Ngunit sa unang banda, kailangan din ng ating mundo ang carbon emission sapagkat nagsisilbi itong kumot ng ating planeta upang hindi sobrang bumaba ang temperatura, na dumating sa punto na hindi na ito matirhan dahil sa sobrang lamig na tinatayang aabot sa -18 degree celsius. Ngunit nasobrahan naman ang gamit dito ng mga tao, na nagdulot naman ng sobrang pag-init ng ating kalikasan.

Samantala, ang mga bansang USA, China, Russia, at India ay ang apat na may pinakamalaking ambag sa global carbon emission, ngunit hindi sila kabilang sa sampung bansang pinakaapektado ng climate change.

Bilang aksyon, nangako ang presidente ng USA na si President Joe Biden, na babawasan nila ang pagkonsumo nito. Samantala, ang China naman ay pabababain ang epekto ng greenhouse effect, na kung saan ay sanhi ng global warming. 

Mayroon ding iba’t ibang kumpanya ang nagboluntaryong magtatanim ng puno, gaya na lamang ng Eco Asia at Ocean Hero, na kung saan sa bawat paggamit nito ay siya namang dagdag sa pangangalaga ng ating kalikasan.

Bukod pa rito, ang pagbubura din ng mga hindi kinakailangang email messages ay makatutulong din sa pagpapaliit ng carbon emission, sapagkat ang pag-imbak ng mga email ay nagkokonsumo rin ng enerhiya.

Higit sa lahat, ayon sa mga eksperto pagdating sa klima, ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa pangangalaga ng kalikasan ay ang magsisilbing pundasyon ng bawat pangkaraniwang tao upang makatulong sa muling pagrerehabilita ng ating mundo.

Gayunpaman, kahit na maliit lamang ang ambag ng Pilipinas sa global carbon emission, kailangan pa rin nating kumilos. Ayon nga kay Galicha, "We need to act according to our commitment. We need to act as well according to justice na dinedemand natin." Dahil sa huli, may ginawa ka man o wala, lahat naman ng lugar sa mundo ay apektado. Damay-damay na 'to.


Iniwasto ni: Maverick Joe Velasco