Nina Gwyneth Morales at Archie Bergosa

LARAWAN MULA SA: Rappler

Umapela nitong Miyerkoles ang Philippine Medical Association (PMA) na huwag na raw sana palakihin pa ang isyu sa pagpapabakuna ng iilang sundalo nang walang abiso sa Food and Drug Administration (FDA).

"Sana hindi na palakihin ang mga issues kasi habang lumalaki ang mga issues mawawalan ng kumpiyansa ang mga tao na magpabakuna," ani PMA President Dr. Benito Atienza.

Matatandaang nagulat ang publiko matapos kinumpirmang naturukan na ng bakuna ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at ilan pang kalihim.

Base sa listahan ng priyoridad na inilabas ng gobyerno, dapat na unahin ang health workers sa pagpapaturok habang panlima naman ang mga sundalo kung sakaling maaprubahan ng FDA ang bakuna.

Subalit giit ni Atienza, hindi na ito dapat maging isyu dahil sa pamahalaan naman daw nanggagaling ang proseso.

"Ang nangyayari naman ay procedural issues eh, na sila rin ang gumagawa," aniya.

Dagdag pa niya, magandang malaman kung sino-sino sa mga miyembro ng PSG ang naturukan na upang mabantayan ang kanilang kalagayan.

"Para makita kung ano ang naging epekto sa kanila ng bakuna, kasi lahat ng bakuna kailangan nating nafa-follow-up kung sino ang nabigyan at kung may effect sa kanila," aniya pa.

Sa kasalukuyan, balak nang imbestigahan ng FDA at ng Bureau of Customs ang pagpasok ng unregistered vaccines laban sa COVID-19 sa bansa.


KAUGNAY NA ULAT: ABS-CBN News

PAALALA