Digong kinontra ang sarili, 'di na mauuna magpabakuna

 Nina Archie Villaflores at Gwyneth Morales

LARAWAN MULA SA: Presidential Communications

Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkoles na magpapahuli siya sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 — taliwas sa nauna niyang pahayag na siya ang mauunang magpapaturok.

"Priority is uniformed personnel, mga sundalo natin, kasama sa priority, mauna talaga yung pobre, yung wala talaga. Kung milyon 'yan [vaccine], magsabay-sabay na kayo, huli na kami. Kung may maiwan para sa amin kay [Senator] Bong [Go], kay [Secretary Delfin] Lorenzana, kung may maiwan eh 'di para sa atin, unahin natin sila," aniya sa isang televised briefing kasama ang Gabinete.

Matatandaang nanindigan si Duterte noong Agosto na handa siyang maunang magpabakuna para magsilbing 'eksperimento' laban sa bakuna.

"Ako pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan, in public magpa-injection ako. Ako ‘yung maunang maeksperimentuhan. Okay para sa akin," aniya matapos maibalitang mamimigay ng libreng bakuna ang Russia.

Sa kabilang banda, sinabi ni Duterte na prayoridad din sa pagpapabakuna ang mga guro, social workers, at iba pang nagtatrabaho sa gobyerno.

"It's an obligation imposed upon us governments to take care of your citizens... Kung maaari lang, i-vaccinate mo 'yung 100 million plus Filipinos," hayag niya.

Dagdag pa rito, hindi raw huhusgahan ng Pangulo ang mga taong ayaw magpabakuna at sinabing "mas mabuti" raw ito.

"Kung mayroong mga tao na ayaw, eh di ams mabuti, mauna na na 'yung gusto and we can tone down the orders kung sobra-sobra," aniya pa.


ITO AY ISANG EKSKLUSIBONG ULAT.


Previous Post Next Post