Ni Gwyneth Morales

PHOTO: Philippine Daily Inquirer/Senate PRIB

"Magtatampo po 'yung ibang countries sa kanila."

Ito ang naging rason ni Vaccine czar Carlito Galvez nitong Lunes kung bakit hindi maaaring malaman ng publiko ang presyo ng mga bakunang galing sa Tsina. 

Ayon kay Galvez, ito ang naging "kabilin-bilinan" ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa kanila.

"Importante din po kasi talaga 'yung tinatawag nating CDA [confidentiality disclosure agreement]. Hindi po pwedeng i-reveal po 'yung trade secrets at pati 'yung price, kasi po pwede pong mag-withdraw immediately ang ano po natin at hindi na po sila magtiwala sa atin," aniya pa.

Matatandaang nag-ugat ng kontrobersiya ang naging pahayag ni Galvez nitong Miyerkoles na mas mura ang bakuna ng Sinovac, isang Chinese pharmaceutical firm, kaysa sa ibang mga brand.

Sinasaad kasi ng datos ni Senate committee on finance chair Sonny Angara na pangalawa sa pinakamahal na bakuna ang Sinovac — na nagkakahalagang P3,629.50 para sa dalawang doses kada indibidwal.

Subalit, kinontra naman ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Lunes at sinabing "fake news" ito.

"Ang ating presyo, bagamat hindi pa maaaring ianunsyo kung ano po talaga ang presyo ng Sinovac, ay hindi po nagkakalayo o hindi po lalayo sa presyo ng Indonesia na sa bandang P650 kada turok," aniya.

Siniguro din ni Roque na 'presyong BFF' ang ibinigay ng Tsina sa bansa.

Nilinaw naman ni Angara na base lamang ang datos sa Department of Health noong nakaraang taon.

Sa kabilang banda, marami pa ring nababahala sa pagtatago ng gobyerno ng totoong presyo ng bakuna.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson  nitong Linggo, nagkakahalagang P240 lamang kada dose ang bakuna ng Sinovac sa ibang bansa sa Timog-silangang Asya subalit posibleng umabot sa P1800 ang presyo dito sa bansa.

"Here, it may cost $38.50 [P1,847.25] per dose but is co­vered by a confidentiality disclosure agreement," hayag ni Lacson.

"Sinovac has a track record of bribery, yet why insist on dealing with them?" aniya pa sa isang interview nitong Sabado.

Para naman sa ibang netizens, nawawalan na ng "transparency" ang pamahalaan sa taumbayan.

"Magtatampo eh you can easily justify the “special rate” by telling the other countries that the Philippines is practically a province of China thanks to Dutz. There’s your explanation," sabi ng isang Facebook user.

"Tranparency kase ang pinag-uusapan dito Sec Carlito Galvez.  Pera kase ng taumbayan yung gagamiting pambili ng bakuna at hindi po personal na pera ninyo," hayag naman ng isa pang netizen.

Darating ang mga bakuna ng Sinovac sa bansa sa Pebrero, ayon sa Chinese ambassador.


KAUGNAY NA ULAT: Philippine Star