Vice Ganda sa madlang pipol: ‘Okay ba sa inyo ang Sinovac?’
Nina Deighton Acuin at Gwyneth Morales
PHOTO: ABS-CBN News |
Tila hindi pa rin nagpapatinag ang komedyante na si Vice Ganda pagdating sa isyu patungkol sa bakuna laban sa COVID-19
Nitong Martes, muli na naman niyang hinayag ang isyu sa pagbabakuna.
“Okay ba sa inyo ang Sinovac? Baklang twoaaaah,” tanong ni Vice sa “It’s Showtime."
Naganap ang patutsada matapos siyang sagutin ni Presidential Spokesman Harry Roque sa nakaraang briefing na kailangang makinig sa mga eksperto at hindi sa mga komedyante.
“Di ko sinabing hindi puwede magsalita kahit sino. Pero pagdating sa bakuna, kinakailangan na ang dapat pakinggan ay ang eksperto sa bakuna,” ani Roque.
Nag-ugat ang kanyang tugon sa tweet ni Vice Ganda na "choosy" ang mga Pilipino sa sabong panlaba kaya dapat mapili rin ang taumbayan sa bakunang tatanggapin.
“Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya. Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!” ani Vice sa kamakailang tweet.
May mga Pilipinong nababahala pa rin sa kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna kung sakaling mayroon nang supply sa bansa.
Ayon sa artikulong nilabas ng CNBC, binigyang depensa ng Sinovac, isang pharmaceutical firm, ang antas ng kaligtasan at epektibo nito.
Ayon naman sa pagsasaliksik sa Brazil, mayroong 50.4 bahagdan effectiveness ang Sinovac kontra sa sakit base sa late-stage trials.
KAUGNAY NA ULAT: Manila Bulletin