Nina Deighton Acuin at Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: Manila Bulletin

Sinabi ng Malacañang nitong Biyernes na naiinip na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.

Ito ang winika ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ang pag-certify ng pangulo sa batas na papayagan ang mga Local Government Units (LGUs) na gumawa ng advance payments sa pagbili ng mga bakuna at ang indemnification bill na kung saan babayaran ng gobyerno ang mga makakaranas ng side effects matapos makatanggap ng gamot.

“Tatapatin ko kayo, si Presidente ang nagsalita na siya mismo naiinip na, kinakailangan dumating na ang mga bakuna. Kaya naman siguro dahil nagsalita na ng ganyan ang Presidente eh gagalaw na ng mabilis ang lahat,” ani Roque sa isang interview sa PTV.

Kamakailan, sinabi nina Roque at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang pagdating ng unang batch na naglalaman ng 117,000 doses mula sa Pfizer-BioNTech ay maaantala dahil sa kinakailangan nitong indemnification agreement.

Dagdag ni Roque na 600,000 doses mula sa Sinovac na donasyon mula sa Chinese government — na nakatakda sa Pebrero 23 — ay maaantala dahil kinakailangan pang maglabas ng emergency use authorization ang Food and Drug Administration (FDA).

Mga bakuna pa lamang ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca ang nakatanggap ng EUA mula sa ahensya.


KAUGNAY NA ULAT: GMA News