Ni Kaela Patricia Gabriel

LARAWAN MULA SA: Headlines PH

Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang Department of Health (DOH) sa paglalabas nito ng datos ukol sa COVID-19 sapagkat hindi isinasama sa opisyal na bilang ng mga kumpirmadong kaso ang resulta ng antigen tests na nagpositibo.

Sa isang House health committee hearing nitong ika-30 ng Marso, nagtaka si Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo kung bakit hindi isinasama ng kagawaran sa opisyal na tala  ang mga positibong resulta ng antigen tests.

Inamin naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagkukulang at ipinaliwanag na itinuturing kasing "gold standard of testing" ang swab test o reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR).

“It’s a gap that we recognize and this will require a policy review as to when the antigen test results will be counted if positive,” ani Duque.

Subalit hindi nakuntento ang kongresista sa naging sagot na ito ng kalihim. 

“Your admission of a gap is tantamount to also admitting that the numbers are underreported. Kasi hindi natin nakukuha ‘yong nako-confirm on the basis of antigen tests,” sagot ni Quimbo kay Duque.

Nabahala rin si Bayan Muna Representative Carlos Zarate dahil sa nagaganap na ‘underreporting’ kaya naman iminungkahi niyang isama na ang antigen sa basehan ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

“We are looking at a surge number now, 10,000. In reality pala baka 20,000 ito, 30,000. We don’t know, dahil RT-PCR lang yung binasehan natin,” saad ni Zarate.

Depensa naman ni Duque, hindi raw ito ‘implementation gap’ kundi isang ‘policy gap’.

Nilinaw din ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaari lamang gamitin ang antigen test bilang confirmatory tool kung mayroong outbreak o ‘high prevalence’ sa isang lugar kaya hindi ito isinama ng DOH sa tala ng COVID-19 cases sa simula pa lamang ng pandemya.

“So when they use it [antigen tes] right now, and they use it as confirmatory, hindi naman po sila hindi nama-manage ng DOH, these are the cases that we classify as suspects and probable,” paliwanag ni Vergiere. 

Tiniyak naman ni Vergeire na isasama na ng DOH sa opisyal na bilang ang rapid antigen tests sa ngayon dahil sa patuloy na paglobo ng mga kaso sa NCR at karatig probinsya.


KAUGNAY NA ULAT: Rappler