Nina Deighton Acuin at Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: Archlight Media

Para sa Malacañang, guni-guni lamang ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang kanyang mga paratang na ang donasyong Sinovac COVID-19 vaccines mula China ay kapalit sa pananakop sa mga isla sa Pilipinas.

“Didiretsuhin ko kayo, guni-guni lang po iyan ni Justice (Antonio) Carpio,” ani Roque sa isang radio interview nitong Huwebes.

Kinilala na lamang ni Roque ang mga donasyon bilang “humanitarian aid” sa bansa upang makabangon sa mga hamong dala ng COVID-19 pandemic.

Gayumpaman, sinabi ni Roque na kung hindi dahil sa donasyon na 600,000 doses ng Sinovac, hindi pa makakapagsimula ang Pilipinas sa vaccination rollout na makakapagprotekta sa mga healthcare workers.

“Alam ninyo po sa panahon ng pandemya na wala namang umasa na biglang magkakaroon ng ganitong pandemya ay importante po sa atin iyong pakikipagkapwa, iyong pagiging humanitarian,” ani Roque.

“At naniniwala po tayo na itong donasyon galing sa Tsina ay kabahagi po ng humanitarian effort ng Tsina. At kung hindi naman po talaga dumating iyong mga bakuna ng Tsina, eh wala sana tayong napaunang nagamit na bakuna.”

“Ang katotohanan po eh ay isang milyon ng Sinovac ang ating unang ginamit at ito po ngayon ay pinakikinabangan ng ating mga kababayan,” dagdag ng opisyal.

Nitong Linggo, naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protests laban sa China dahil sa 200 Chinese vessels na namataan sa Julian Felipe Reef.

Inanunsyo naman ng Malacañang nitong Huwebes na nakipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian upang pag-usapan ang mga namataang sasakyang pandagat sa isla.

Dagdag ng Palasyo, personal na binisita ni Huang ang pangulo upang bumati sa nalalapit na kaarawan.

Iginiit din ni Duterte sa Chinese envoy ang pagkapanalo ng Pilipinas sa 2016 arbitral ruling kontra sa “nine-dash line claim” ng China.

Wala naming nakikitang kontrobersya ang Palasyo kaugnay sa insidente sapagkat hindi naman umano magtatagal ang mga Chinese vessels sa nasabing isla dahil sa pagkakaibigan ng dalawang bansa at dahil lamang sa masamang panahon.

Sinagot naman ng embahada ng China sa Pilipinas ang mga alegasyon kaugnay sa insidente, dagdag nito na ang mga sasakyang pandagat na namataan sa isla ay huminto lamang dahil sa masamang antas ng alon.


KAUGNAY NA ULAT: Manila Bulletin