Roque: Bakit kaya pinayagan ng Panginoon ang pandemyang ito?

Ni Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: Philippine Star

“Bakit kaya pinayagan ng Panginoon itong pandemyang ito?”

Isa lamang ito sa mga naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Sabado nang kaniyang ianunsiyo ang pagsasailalim ng mga lugar sa NCR Plus sa enhanced community quarantine o ECQ kasabay ng Mahal na Araw. 

Sa kaniyang press briefing, inamin niyang mas mahirap ang pamumuhay ngayon sa gitna ng pandemiya ngunit ipinagdiinan din niyang hindi lamang ang Pilipinas ang nagdudusa.

“Alam ninyo po talagang napakahirap ng buhay dito sa pandemya, at naiintindihan po natin iyan. Pero hindi naman po tayo nag-iisa. Hindi lang naman po Pilipinas ang may ganitong pahirap,” aniya.

Hinikayat din niya ang mga Pilipino na mas palalimin ang relasyon sa Diyos sa darating na lingo kung kalian magsisimula ang implementasyon ng mas mahigpit na lockdown. 

“Sana po gamitin din natin itong pagkakataon na ito magdasal, magmuni-muni at pag-isipan kung ano talaga ang ating relasyon sa ating Maykapal,” sabi pa ni Roque. “Ang tanong po ng marami: Bakit kaya pinayagan ng Panginoon itong pandemyang ito?”

“Gamitin po natin itong ECQ at itong Semana Santa para bumalik tayo sa ating pananampalataya at tanggapin (We should use this ECQ and the Holy Week to return to our faith and accept) that ‘Thine will be done,'” 

Paniniguro pa niya: “Mahal tayo ng Panginoon at may dahilan po itong lahat na ito.” 

Hindi naman nagustuhan nang maraming netizens ang mga sinabing ito ni Roque. Para sa ilan, kapalpakan ng pamahaalaan at hindi ang Diyos ang may kasalanan sa kinakaharap na krisis ng bansa. 

Umani rin kagabi ng libu-libong tweets ang mga hashtags na #DutertePalpak at #DuterteResign matapos ang balita tungkol sa muling pagpapatupad ng ECQ makalipas ang isang taong pakikipaglaban sa pandemya.



Previous Post Next Post