Kauna-unahang COVID-19 vaccine para sa mga hayop, nirehistro na sa Russia

Ni Gwyneth Morales

PHOTO: News18

Ibinunyag ng Russia nitong Miyerkoles na pinarehistro na nila ang 'kauna-unahang coronavirus vaccine' para sa mga hayop upang mapigilan ang paglaganap ng virus mutations.

Sa isang pahayag, sinabi ng Rosselkhoznadzor, isang agriculture oversight agency, na napatunayang epektibo ang bakunang Carnivak-Cov sa aso, pusa, at iba pang mga hayop matapos simulan ang testing noong Oktubre.

"All test animals that were vaccinated developed antibodies to coronavirus in 100 percent of cases," ani Konstantin Savenkov, ang deputy head ng ahensya.

Aniya pa: "It is the world’s first and only product for preventing COVID-19 in animals."

Nagpakita naman dito ng interes ang mga pribadong kompanya at pasilidad galing sa iba't ibang bansa tulad ng Greece, Poland, Austria, Estados Unidos, Canada, at Singapore.

Sa kabilang banda, wala pang plano ang ibang veterenarians at fur breeders na bakunahan ang mga hayop dahil hindi pa napapatunayang COVID-19 carriers ang mga ito.

Subalit, pinuri naman ng National Association of Fur Breeders ang Carnivak-Cov at tinukoy pa ito bilang isang 'disenteng bakuna.'

"Some of the animals have been vaccinated during trials and “are feeling fine," hayag ni Nadezhda Zubkova, ang pinuno ng nasabing asosasyon.

Posibleng simulan na ang malawakang produksyon ng nasabing bakuna ngayong Abril.


KAUGNAY NA ULAT: Philippine Daily Inquirer


Previous Post Next Post