[OPINYON] Sa manlulupig, di pasisiil

Ni Archie L. Villaflores

Sa pagguhit ni: Lairah Nadine De Guzman


Habang nakatuon ang pansin ng publiko sa mga isyu patungkol sa pandemiya, sinamantala ng Tsina ang pagkakataon upang muling palawakin ang kanilang pangangamkam sa mga islang sakop ng teritoryo ng Pilipinas. Ngunit, mas nakababahala ang nakabibinging katahimikan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagnanakaw ng itinuturing niyang kaibigan sa ating karagatan. Hindi naipapamalas ng administrasyon ang katapangan nito sa mga dayuhang singkit kaya ang mga mangingisdang Pilipino ay patuloy na naaagrabyado. 

Higit sa dalawang linggo na ang nakalipas nang namataan ng mga awtoridad ang 220 na mga Chinese maritime militia vessels sa isang bahagi ng West Philippine Sea. Naka-angkla ang daan-daang puwersang pandagat sa Julian Felipe reef simula pa noong Marso 7. Sakop ang bahura ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na 175 nautical miles lang ang layo sa Palawan. Ito ay ayon sa inilabas na report ng Philippine Coast Guard (PCG) na ipinadala ng National Task Force for the West Philippine Sea.

Bulok na ang istilong ito ng Tsina. Parehong istratehiya rin ang kanilang ginawa sa Mischief Reef (Panganiban Reef) noong 1995, at sa Sandy Cay sa Pag-asa noong 2017. Hindi na magiging madali pang paalisin ang Tsina sa Juan Felipe Reef ayon mismo sa retiradong Supreme Court senior associate justice na si Antonio Carpio. Pero, hindi ito nangangahulugang dapat nang isuko ng bansa ang teritoryo nito sa kahit sinong dayuhan. Isa itong pagsubok sa pamahalaan na noon pa ma’y malambot na ang puso sa mga Tsino. 

Palusot ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, normal lang naman daw para sa kanilang sasakyang pandagat na manatili sa bahura na inaangkin nilang sa kanila rin dahil sa masamang lagay ng panahon. Isang mangmang lang ang mapapaniwala sa rasong ito dahil wala namang naibabalitang matataas na alon dulot ng bagyo nitong mga nakaraang linggo sa lugar. Nananaginip nang gising ang mga Tsino sa pag-ankin sa ating mga isla gamit ang kanilang ilusyong nine-dash line. 

Dagdag pa rito, nakakapagpapigil ng hininga nang habulin ng mga barko ng Tsina na armado ng missile ang bangkang sinasakyan ng ABS-CBN News team kamakailan. Sakay ng isang motor boat, sinubukan ng reporter na si Chiara Zambrano kasama ang iba pa na puntahan ang Ayungin Shoal sa West Philippine Sea. Kuwento niya, hindi pa man sila tuluyang nakakalapit sa bahura ay may lumapit nang isang barko ng Chinese Coast Guard sa kanilang direksyon. Aniya, pabalik na sana sila sa Palawan upang umiwas sa gulo nang habulin naman sila nang dalawang mabibilis at armadong barko ng Tsina. Walang kasing kapal ang mukha ng mga dayuhan nang mistulang itaboy ang mga Pilipino sa kanila mismong sariling teritoryo. Hindi man ito bago, ito ay intimidasyon na patunay kung paano tayo minamaliit ng mga Tsino.  Gumugulong na ang imbestigasyon sa insidenteng ito ngunit gaya ng inaasahan, tikom ang bibig ng Palasyo at hindi nagbigay ng komento. Kahanga-hanga ang katapangan ni Chiara, isang babaeng mamamahayag, hindi tulad ng iba. 

Sa kabilang banda, tunay na dapat palakpakan ang mga matatapang na salita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana laban sa Tsina nang himukin niya itong kusa nang lumayas sa Juan Felipe Reef. Kapuri-puri rin ang muling paghain ng diplomatic protest ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa patuloy na presensiya ng mga barko ng Tsina sa West Philippine Sea. Ayon naman sa MalacaƱang, iginiit ni Pangulong Duterte ang pagkapanalo ng Pilipinas sa The Hague sa envoy ng Tsina. Pero hanggang sa ngayon, walang naririnig ang publiko mula sa sariling bibig ng presidente na noong panahon ng kampanya ay nangako pang magje-jetski bitbit ang watawat patungong Spratlys island. 

Dahil hindi pa rin natitinag ang mga barko ng Tsina sa Juan Felipe Reef, hindi tuloy mapigilan ng ilang isiping tila kabayaran ito sa kanilang donasyong milyun-milyung doses ng bakuna kontra COVID-19. Masasabi ring kaplastikan lamang ang naging pahayag ni Duterte sa United Nations General Assembly nang basahin niya ang inihandang talumpati kung saan iginiit niya ang arbitral ruling pabor sa Pilipinas sa isyu ng pag-aagawan ng teritoryo. Kung hindi lamang marahil sa mutual defense treaty ng bansa at ng Estados Unidos, matagal na sigurong sinakop ng Tsina ang buong West Philippine Sea dahil sa bahag na buntot ng pangulo. Nakapagtataka rin kung bakit siga ang pulis at military pagdating sa mga kritiko at aktibistang grupo ngunit tila ba sila ay nagiging maamong aso pagdating sa mga Tsino. 

Sa totoo lang, isang malaking himalang maituturing kung biglang magkaroon ng pangil ang Pilipinas laban sa China sa ilalim ng liderato ni Duterte. Gayunpaman, sana ay mapagtanto ng pamahalaan kung paano sinasaksak patalikod ng mga Tsino ang mga Pilipino. Dapat na igiit ang ating karapatan sa West Philippine Sea sa bisa ng Hague ruling hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Sa halip na siraan ang mga kaalyadong bansa, sila ay dapat pa ngang pasalamatan. Hindi sila ang kalaban kundi ang nagkukunwaring kaibigan. Napalayas natin ang mga mananakop noon. Mapaninindigan din natin ang ating soberanya ngayon kung sa manlulupig, di tayo pasisiil.






Previous Post Next Post