Para sa Bayan at Lasalyano (BayLayn), muling idaraos ng Ang Pahayagang Plaridel para sa kritikal at aktibong pamamahayag
Muling inihahandog ng Ang Pahayagang Plaridel, opisyal na pahayagang pangmag-aaral sa wikang Filipino ng Pamantasang De La Salle, ang Para sa Bayan at Lasalyano o BayLayn 2021, sa darating na Mayo 15, ika-1 hanggang ika-5:30 ng hapon sa pamamagitan ng Zoom at Facebook Live.
Layon ng BayLayn na hubugin ang kakayahan at palawigin ang kamalayan ng mga estudyanteng mamamahayag sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga isyung may kaugnayan sa kritikal at aktibong pamamahayag. Sa taong ito, iikot ang programa sa temang, “Kritikal na Pag-uulat tungo sa Pagmumulat: Tungkulin ng Kabataan sa Gitna ng Pandemya’t Katiwalian.”
Upang maisakatuparan ito, inimbitahan ng APP ang mga kilalang mamamahayag na sina Anjo Bagaoisan at Raffy Tima para magbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa pamamahayag, lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya’t katiwalian ang bansa.
Makakasama rin sa maikling diskusyon ang ilang tanyag na indibidwal mula sa hanay ng kabataan na sina Yani Villarosa, Gab Campos, at Raoul Manuel upang talakayin ang kahalagahan ng pakikialam at pakikisangkot ng kabataan sa pagtugon sa mga usapin at
isyung kinahaharap ng bansa.
Makilahok sa BayLayn 2021 at makiisa sa pagsusulong at pagtataguyod ng pagbabalitang pumipiglas para sa katotohanan! Magparehistro sa https://tinyurl.com/BayLayn2021 at sundan ang Facebook page ng BayLayn (facebook.com/baylayn) at Twitter account na @baylayn_app para sa iba pang detalye at anunsyo.
Magkita-kita tayo sa Mayo 15!