San Joseño, inirereklamo kung bakit P1,000 lang ang nakuhang ayuda

Nina Deighton Acuin at Archie Villaflores

LARAWAN MULA KAY: Alyas Jenny

Nagrereklamo ang isang residente sa San Jose del Monte, Bulacan matapos makatanggap lamang umano ng P1,000 ayuda sa halip na P4,000.

Sa isang panayam sa Explained PH, idinadaing ni alyas Jenny, residente ng Barangay Fatima III, ang natanggap na P1,000 ayuda gayung mayroon siyang tatlong anak. 

Alinsunod kasi sa direktiba ng pamahalaan, aabutin dapat ng P1,000 ang ayuda kada indibidwal o hanggang P4,000 kada pamilya. 

“Okay naman yung pila, maayos nang pumunta kami. ‘Yung problema, binigay yung P1,000 na dapat sana P4,000,” kuwento niya.

Dagdag pa ni Jenny, hindi raw maipaliwanag ng mga tauhan ng barangay kung bakit ganoong halaga lamang ang kaniyang matatanggap. 

“Ayaw nilang mag-explain. Kung bakit ‘yun lang naging problema kaya pi-nost ko [sa Facebook at tinanong] kung bakit ayaw sagutin... Pero walang sagot na nakuha,” sabi niya.

Nakatanggap din ang Explained PH ng mga ulat na kinakailangang 'di umano pumirma ng ilang mga benepisyaryo ng ayuda sa isang waiver at pumayag sa kasunduan na hindi sila magrereklamo.

“Sa aking pagtanggap, aking kinikilalang nasapatan ang aking karapatan, at wala na akong habol, reklamo, o hinaing pa ukol dito laban sa anumang ahensya ng gobyerno o opisyal ng pamahalaan ukol sa pamimigay ng NCR Plus Ayuda,” ayon sa sinasabing waiver.

Isa lamang si Jenny sa mga benepisyaryong umaasa na mabibigyan ng pansin ang kanilang hinaing sa ayuda. 

Sinusubukan pa ng Explained PH na makuha ang panig ng pamahalaang barangay ng Fatima III at ang Public Information Office ng lungsod kaugnay sa insidente.

Samantala, nauna nang nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat mapunta lang ang ayuda sa tamang mga benepisyaryo at ipinag-utos na tugunan ang mga reklamo kaugnay sa pamamahagi nito. 

Namigay ng ayuda ang gobyerno matapos isailalim ang Bulacan kasama ang Metro Manila at ilan pang mga probinsya sa dalawang linggong enhanced community quarantine dahil sa paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.




Previous Post Next Post