Ni Gwyneth Morales

LARAWAN MULA SA: PCOO

Tinatayang nasa 35 bahagdan ng mga Pilipino ang matuturukan laban sa COVID-19 pagdating ng Agosto, ayon sa Malacañang. 

Sa isang online briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ayon sa mga eksperto, magkakaroon lamang ng epekto ang vaccination drive kapag nabakunahan na ang 35% ng populasyon ng bansa.

"Makakamit po siguro natin itong 35 percent on or about the month of August kung masusunod yung simulation na pinaplano po ng gobyerno," paniniguro niya nitong Lunes.

Sa kabilang banda, sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na binabalak ng pamahalaan na bigyang-prayoridad ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 sa vaccination program.

Kasama sa mga nasabing lugar ang Metro Manila, Calabarzon, Cebu, at Davao.

Halos 0.6% pa lamang ng populasyon ng Pilipinas ang nabakunahan laban sa COVID-19 nitong Mayo 17, ayon sa Our World in Data.


KAUGNAY NA ULAT: Philippine Daily Inquirer