DOH sa LGUs: Huwag na ipaalam ang tatak ng bakuna sa vax sites
Ni Annie Jane Jaminal
LARAWAN MULA SA: Ya Libnan News |
Nais ng Department of Health (DOH) na huwag nang i-anunsyo ng mga lokal na pamahalaan ang tatak ng bakuna upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa ilang vaccination sites.
"Maybe one of the strategies that can be made is hindi na ia-announce kung anong bakuna ang ibibigay. Kung gusto niyo na magpabakuna pumunta kayo sa ganitong facility o kaya vaccination sites. Tapos kung ano ang bakuna na available 'yun ang dapat kunin nila," ani Undersecretary Myrna Cabotaje nitong Miyerkoles sa Laging Handa public briefing,
Aniya pa, ayaw na nilang maulit pa ang ilang insidenteng nagdaragsaan ang mga tao, lalo na sa mga vaccination center na may bakuna ng Pfizer.
"Kasi nga dinagsa diba, dinagsa 'yung Pfizer. Noong nag-announce na may Pfizer everybody wanted to queue sa Pfizer. And our general principle, kung anong bakuna ang available, dapat kunin mo na," hayag ni Cabotaje.
Dagdag pa ng kalihim, mainam kung magpaparehistro muna bago magpunta sa mga vaccination site at sumunod sa minimum public health standards para makaiwas sa hawaan ng COVID-19 sa mga bakunahan.
Samantala, matatandaang noong Lunes lamang ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang maging pihikan ang mga Pilipino sa pagpili ng bakuna kontra COVID-19, dahil pare-pareho naman umano itong epektibo.
"They are all potent. They are all effective. So wala... there's no reason for you really to be choosy about it," wika ni Duterte.
KAUGNAY NA ULAT: CNN Philippines, PTV News