‘Senador’ Tugade sa 2022, aprub kay Duterte
Ni Roland Andam Jr.
LARAWAN MULA SA: PCOO |
Bilang isa sa mga aniya'y "top performers" ng kanyang administrasyon, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Transportation Sec. Arthur Tugade na tumakbo sa pagka-senador sa Eleksyon 2022.
Sa kanyang ‘Talk to the People’ nitong Miyerkules, Hulyo 28, pinuri ng Pangulo si Tugade sa taglay umano niyang "talento at kahusayan" sa pagpapatakbo sa kanyang departamento.
Ayon pa kay Duterte, tama lang daw ang kanyang naging desisyon na italaga si Tugade bilang kalihim ng DOTr.
“Hindi ako nagkamali. Mahusay ka kaya kinuha kita. So it bore fruit. Ngayon nakikita ko na I made the right decision,” pahayag ni Duterte.
"You (Sec. Tugade) are one of the top performers. At ito haka-haka lang naman, wala[ng] halong pulitika, kasayang ng gobyerno na ito ‘pag nawala ka, sa totoo lang," ani Duterte.
"So I’d like to congratulate you and we still have about...a few months to go. And I hope that you’d consider running for senator of the Republic of the Philippines," dagdag pa niya.
Naganap ang pagbibigay-papuri ng Presidente matapos na ilahad ni Tugade sa naturang pagpupulong ang mga nakamit at natapos na proyekto ng DOTr sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kaya't hindi rin naiwasan ni Duterte na magpahayag ng panghihinayang sa nalalapit na paglisan sa pwesto ni Tugade maging ng ilang kasapi ng kanyang gabinete.
"Sayang ka, sayang ka. Totoo, nanghinayang ako sa inyo. Ikaw, si Villar, at ibang mga Cabinet members diyan. ‘Pag nawala kayo, ah balik tayo sa tig-limang taon na naman, 10 taon puro drawing lang," saad ni Duterte.
Sinuklian naman ito ng pasasalamat ni Tugade kasabay ng paninigurong marami pa siyang mga proyektong tatapusin bago magtapos ang kanilang termino.
"Maraming salamat, Mr. President. I am happy and I am certainly humbled by your very generous remark. Maraming salamat po. Promise, magtatapos pa ho ako ng maraming proyekto bago matapos ang ating termino. Maraming salamat po," sambit ni Tugade.
Mga sanggunian ng ulat: GO Philippines, Philippine Daily Inquirer, Presidential Communications Website