Ni James Gabriel Regondola

Matapos masungkit ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas sa Tokyo 2020 Summer Olympics, bumida kamakailan ang isang beteranong atleta at nabubuhay na alamat pagdating sa larangan ng weightlifting. 

Photo Courtesy by Shana Rocamora Ramirez
Ipinagmalaki ni Shana Ramirez sa kaniyang Facebook post ang kanyang super lolo na si  Artemio E. Rocamora, 87 taong gulang, isang weightlifting olympian at retiradong opisyal ng Philippine Air Force na dati na ring nakapag-uwi ng medalya para sa bansa. 


(Photo Courtesy by Shana Rocamora Ramirez


Nagbigay ng karangalan si Lolo Artemio para sa Pilipinas nang siya ay tanghalin bilang bronze medallist sa 1964 Asian Weightlifting Championship sa Tokyo, Japan. Sa parehong taon at bansa, bigo mang makapasok sa podium standing, masaya pa rin ang kanyang pamilya na siya ay nakabilang sa Top 20 ng Tokyo 1964 Summer Olympics matapos magbuhat ng 85.5 kilos sa light heavyweight event na nakapagpanalo sa kanya sa ika-19 na pwesto. 



“Siya ay 87 years old na ngayong taon at gusto lamang namin na habang andito pa siya at nabubuhay, mabigyan siya ng pag-alala sa naiuwi niyang karangalan sa ating bansang Pilipinas noon…” ani ni Ramirez. 

Itinampok din niya ang naiuwing mga medalya ni Lolo Artemio sa pagsali nito sa mga weightlifting events, mga pahina sa pahayagan kung saan siya ay nailathala, pati na rin ang mga larawan nito sa Tokyo 1964 Olympics. 



Photo Courtesy by Shana Rocamora Ramirez

Inihayag din niya ang naging karanasan ng kanyang lolo nang ito ay sumali sa Olympics matapos mapanood ang naging laro ni Diaz. “He remembered his journey, naka-relate siya kasi totoo, mahirap humanap ng sponsors, nahirapan daw siya mag-focus noon kasi at the same time, kailangan niyang kumayod para itaguyod ang pamilya.”



Kinagigiliwan si Lolo Artemio ng mga netizens ngayon dahil sa kanyang ipinamalas na lakas na buhatin ang Pilipinas sa pandaigdigang pampalakasan. Marami sa mga taga-hanga ang kaagad na nagparating ng mga regalo at pasasalamat sa kanyang pamilya. 

Sa ngayon, nasasabik na si Lolo Artemio na makita at makausap niya sa personal ang gold medallist na si Hidilyn Diaz matapos nitong mabasa ang kwento ni Lolo sa Facebook post ng kanyang apo.