Ni Nikki Coralde

LARAWAN MULA SA: Benar News

Alinsunod sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magbahay-bahay na lang sa pamamahagi ng tulong nang sa gayon ay maiwasan umano na maging “superspreader” event ang naturang community pantry. 

Sa inisyal na pahayag ni MMDA Chairman Benhur Abalos, sinabi nito na sa halip na pumila ang mga tao sa community pantry ay gawin na lamang house-to-house ang pamimigay ng pagkain lalo na at malinaw na bawal munang lumabas ang mga residente dahil sa ipinatupad na ECQ.

"I-coordinate na lang para maipagbahay-bahay ito. As much as possible kasi ang purpose ng ECQ ay talagang huwag lumabas ng bahay. Kung magpapapila tayo sa labas at magbibigay tayo [ng pagkain], baka magkagulo," aniya.

Kaugnay nito, matatandaang naging patok ang pagbubukas ng mga community pantry ngayong taon na naglalayong matulungan ang mga residente na naghihirap ngayon panahon ng pandemya. 



Gayunpaman, ipinahayag din ni Abalos na makipag-ugnayan na lamang daw sa local government units ang mga mag-oorganisa ng community pantry para mapaghandaan ang posibleng “house-to-house” na pamamahagi ng pagkain. 

“Siguro kung gusto tumulong wala naman problema ‘yun pero siguro gumawa tayo ng sistema na baka mai-padeliver na lang natin sa bahay bahay para ‘wag na lang lumabas ang mga tao,” sabi pa niya.