COVID-19 response ng gobyerno, pasado sa 80% ng mga Pilipino – OCTA Survey
Ni Lynxter Gybriel Leaño
PHOTO: PCOO |
Apat sa bawat limang Pilipino o nasa 80 porsiyento ang nagsasabing aprub sila sa mga hakbang ng pagtugon ng gobyerno upang malabanan ang COVID-19, ayon sa sarbey na inilabas ng OCTA Research group nitong Sabado, Agosto 28.
Base sa OCTA, mula sa 80 porsiyentong kabuuang sumasang-ayon, 30 porsiyento sa mga Pinoy ang sumagot ng “truly approve” habang ang 50 porsiyento naman ang tumugon ng “somewhat approve”.
Kung pagbabasehan, nakikitaan nila umano ang gobyerno ng magagandang aksiyon laban sa pagkontrol ng sakit.
Ngunit kung may aprub, may hindi rin sang-ayon sa pagresponde ng gobyerno laban sa pandemya.
Lumalabas sa naturang sarbey na anim na porsiyento sa mga Pinoy ang sumagot ng “somewhat disapprove” at isang porsiyento sa “truly disapprove” habang marami naman ang “undecided” na aabot sa 13 porsiyento.
Base rin sa sarbey, mga matatandang Pilipino ang may mataas na “approval rating” na aabot sa 87 porsiyento sa Metro Manila at 83 porsiyento sa Balanced Luzon.
Mataas din ang “approval rating” sa Mindanao na nakapagtala ng 83 porsiyento habang hindi gaano kataas sa Visayas na may 65 porsiyento lamang.
Dahil dito, ang isla ng Visayas ang may pinakamataas na “disapproval rating” na may 12 porsiyento, ibig-sabihin hindi nila gusto ang tugon ng gobyerno laban sa COVID-19.
Kaugnay nito, isinagawa ng OCTA ang kanilang sarbey na "Tugon ng Masa" noong Hulyo 12 hanggang 18 na may 1,200 respondents edad 18 pataas at idiniing ginawa nila ang pagsasaliksik bago pa man tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Samantala, sa parehong araw naman na inilabas ang sarbey, umabot sa 19,441 ang bagong kaso ng COVID-19 na isa sa pinakamataas na naitalang kaso sa isang araw kaya naman sa kabuuan, lumobo na sa 1,935,700 ang kumpirmadong kaso ng nagkakasakit sa bansa.
Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer