TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

Duque napaiyak sa House hearing; pumalag sa COA report

Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: ONE News

Hindi napigilang maging emosyonal ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III nang kanyang depensahan ang kanyang kagawaran laban sa umano'y “pangwawarak” sa kanila ng Commission on Audit (COA).

“Winarak” umano ng COA ang dangal ng hindi lamang ng mga tauhan ng kagawaran kung hindi maging ng buong DOH, matapos nilang i-flag sa kanilang report kamakailan ang ilang "deficiencies" sa paggamit ng DOH sa nasa ₱67.32 bilyong pondong nakalaan para sa COVID-19 response.



“Winarak na ninyo kami eh, winarak na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama ko rito,” pahayag ni Duque sa naging pagdinig ng House committee on public accounts nitong Martes, Agosto 17.

Ipinabatid din ng kalihim na siya raw ay “hindi na halos nakakatulog” pati ang ilang opisyal ng DOH, dahil umano sa kahihiyan bunsod ng natatanggap nilang pamumuna't pambabatikos mula sa publiko. 

“Mula no’ng Wednesday na lumabas po ito, hindi na po ako nakakatulog, ang mga kasama kong mga opisyal sa DOH, hindi na rin halos nakakatulog. Bakit ‘ka ninyo?  Sa kahihiyan, we were bloodied and bludgeoned with this issue, and kung ganito nang ganito tayo, papaano tayo uunlad?” saad ni Duque. 

Ayon pa kay Duque, masakit para sa kanila ang maharap sa ganitong isyu lalo pa't sila aniya ang pangunahing ahensya na humaharap sa pandemya na nagiging dahilan daw ng pagkakasakit at minsa'y pagkakamatay ng kanyang mga tauhan.

“So masakit po talaga sa amin ito dahil kami ho ang pangunahing ahensya na humaharap, tumutugon sa panahon na ito. Sabi ko nga sa inyo, nagkasakit na ang mga tao ko, nag-isolate, nag-quarantine, may namatay na, pero Diyos por Santo, maawa naman kayo,” aniya.

Kasunod nito ang panghahamon ni Duque sa COA: “kayo nga ang pumunta dito at kayo ang gumawa?”

Giit pa ni Duque, hindi umano makatarungan ang natatanggap na kritisismo ng kanilang ahensya lalo pa't hindi umano sila nabigyan ng pagkakataon at sapat na oras upang isumite ang kanilang rejoinder sa naturang COA report.

Gumagawa na rin naman na aniya ng paraan ang ahensiya para maresolba ang mga isyung ipinunto ng state auditor.

“Ang mga civil servants natin na maganda ang ginagawa — alam namin ‘yong sinasabi ninyo eh, it is precisely because itong findings na nakita siguro is because we are cognizant of the state of public health emergency that we are all in given this pandemic that has brought the whole world down to its knees," paliwanag ng health chief.


“COA should also consider that we're not operating under normal circumstances, we’re operating under a state of public health emergency,” dagdag pa niya.


COA, bumwelta

Bumwelta naman dito si COA Chairperson Michael Aguinaldo at ipinaliwanag na nabigyan ng due process ang DOH.

Aniya, bago pa man daw naipasa ang audit report sa DOH at naipaskil sa kanilang website, nagsagawa aniya ang resident auditors ng ahensya ng ilang pakikipagpulong at exit conference kasama ang DOH officials.

Ngunit bigo umano ang DOH na isumite sa COA ang lahat ng kinakailang mga dokumento.

"We do have an obligation to report what transpired with respect to their budget allocation. So it’s not correct at all to say that there's no due process," paliwanag ni Aguinaldo.

Naiintindihan din naman daw ng COA ang panig ng DOH, ngunit trabaho pa rin nilang siguruhing “well accounted for” ang mga pondo ng iba't-ibang sangay ng gobyerno.

Sa katunayan, wala naman daw finding ang COA na may nawawalang pera sa DOH.



Lumalabas din sa COA report na ang “deficiencies” sa parte ng DOH ay sanhi ng hindi nila pagsunod sa ‘pertinent laws and regulations.’ 

"We understand fully well the concerns of the DOH. We still have the duty to ensure that funds are well accounted for. Wala naman kaming finding na walang nawalang pera," wika ni Aguinaldo.


Mga sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer, Rappler