Duque sa mga nananawagang bumaba siya sa puwesto: ‘Na kay Presidente ‘yan’
Ni Nikki Coralde
PHOTO: Philippine Daily Inquirer |
Naniniwala pa rin si Health Secretary Francisco Duque III sa kaniyang "mabuting serbisyo sa gobyerno" matapos malamang gusto ng ilang mambabatas na bumaba siya sa puwesto dahil sa umano'y pagkukulang nito sa paggamit ng P67.32 bilyon na pondo sa COVID-19.
Sa isang panayam nitong Huwebes, nilinaw ni Duque na lahat ng pera na nasa budget ay naibibigay umano sa mga Pilipino lalong lalo na sa mga health workers at wala umanong korupsiyon na nagaganap sa ahensya.
"Of course wala. So far ako, tingin ko wala akong report na natatanggap na mayroong katiwalian sa pag-angkat at pagbayad ng mga supplies," paglilinaw niya.
Kasabay nito, idiniin din ng kalihim na maayos umano ang kaniyang track record at alam din daw ni Pangulong Rodrigo Duterte kung paano siya magtrabaho.
"Alam mo ang nag-appoint sa akin si Pangulong Duterte, inanyayahan niya ako andoon ako sa aking lalawigan... Alam niya, matagal din akong nagsilbi. Naging Secretary of Health ako dati, naging chairman ako ng Civil Service Commission, naging chairman din ako ng GSIS, nakita naman niya kung papaano ako magtrabaho," ani Duque.
“'Yung track record ko eh huwag naman sanang kalimutan, nanilbihan naman tayo nang maayos,” sabi pa niya.
Matatandaang pinabababa na rin sa pwesto noong isang taon si Duque matapos pumutok ang isyu sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ngunit si Duterte na mismo ang may ayaw na umalis ang Kalihim dahil may tiwala raw siya rito.
Dagdag pa ng Kalihim, sa huli ay si Duterte pa rin ang magdedesisyon kung talagang bababa na siya sa puwesto.
"Na kay Presidente 'yan... Siya naman ang may ayaw na mag-resign ako ever since," aniya.
Sanggunian ng ulat: GMA News