Duterte kahit pa ‘bawal lumabas,’ gusto ng face-to-face sa publiko: Kung mamatay man ako, ‘nandiyan naman si Leni’
Ni Roland Andam Jr.
LARAWAN MULA SA: PCOO |
Kahit na ipinagbabawal ng kanyang doktor, nais pa rin daw lumabas ni Pangulong Rodrigo Duterte upang tugunan ang kahilingan ng madla na makita siya ng harap-harapan.
Kung sakali mang kapitan daw siya ng Delta variant ng Coronavirus disease at mamatay dahil dito, “bahala na ang Diyos sa akin...nandyan naman si Leni.”
“Gusto kong pumunta, magpa-plano ako—nandiyan naman siguro 'yung doktor ko, tawagan ko. Magplano ako, sabihin ko sa kanya huwag mo akong pilitin, Dok, na hindi makalabas kasi 'yung mga tao gusto akong makita,” saad ni Duterte nitong Lunes, Agosto 9, sa kanyang weekly address sa publiko.
“Bahala na ang Diyos sa akin kung anong mangyari. Kung dadapuan ako ng Delta, wala na...nandiyan naman si Leni Robredo ang sa succession. Eh ‘di kahit sa kanya na,” dagdag pa niya.
Magugunitang nauna na ring iginiit ng Palasyo na "fit and healthy" ang Pangulo sa kabila ng iniinda nitong Barrett’s esophagus at Buerger’s disease.
Samantala, batay sa ulat ng Department of Health (DOH), natuklasan na ang Delta variant sa 13 rehiyon sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa 450 na kaso ng Delta variant, 355 ang local cases, 69 ang returning overseas Filipinos, at 26 ang nagpapatuloy pang bineberipika.
Sa kabuuang kaso naman ng COVID-19 sa bansa, 1, 667, 714 ang mga nag positibo na: 78, 480 (4.71 porsiyento) rito ang active cases; 1, 560,000 (93.55 porsiyento) ang recoveries; at 29, 128 (1.75 porsiyento) naman ang fatalities.
Mga sanggunian: PCOO transcripts, RMN, GMA News