Duterte sa pamamahagi ng bakuna: Para sa lahat, pero uunahin muna ang COVID-19 hostpots
Ni Roland Andam Jr.
LARAWAN MULA SA: PCOO |
Makatatanggap ng COVID-19 vaccines ang lahat, ngunit habang kapos pa ang suplay ng bakuna sa bansa, uunahin munang pamamahagian ang mga coronavirus hotspots.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, Agosto 2, sa kanyang lingguhang "Talk to the People."
Aniya, "a matter of priority" ang pagbibigay ng bakuna sa mga hotspots kung saan mas mabilis ang pagkalat o transmisyon ng Coronavirus tulad na lamang ng Metro Manila at mga karatig nitong lugar.
"Let me just assure everybody, anywhere in the Philippines, that the vaccines that we are giving
is for all Filipinos. It's just a matter of priority ka dito sa iyong mga hotspots kagaya ng mga Maynila and the environs. Nandito lahat 'yung ano eh—iyong tao so 'yung transmission mas mabilis. Pero kung sabihin mo na mabigyan sila, mabigyan sila. We commit," saad ni Duterte.
Ayon sa Pangulo, balakid sa agarang pamamahagi ng Gobyerno ng bakuna sa lahat ng local government units (LGUs) ang kakulangan sa suplay ng bakuna sa bansa.
Kung sapat lamang daw aniya ang bakunang mayroon ang pamahalaan, "hindi na sila (LGUs) maghihintay" dahil siguradong maibibigay naman daw ito agad.
"Alam mo kasi ganito. Uulitin ko, ang problema talaga ng Pilipinas ay wala tayong supply na maganda kasi kung mayroon, maibigay na natin sa lahat," giit ni Duterte. "If we have numbers in sufficient vaccines, hindi na sila maghintay. Ibigay na natin kaagad."
Batay sa report ng CNN Philippines, nakatanggap na ang Pilipinas ng hindi bababa sa 34 milyong Coronavirus shots, nasa 21 milyon dito ang naiturok na.
Humigit-kumulang 9.1 milyong Pilipino naman ang fully-vaccinated na sa kasalukuyan; katiting na porsyento pa lamang ito kung tutuusin sa 70 milyong target ng pamahalaan sa taong ito.
Samantala, siniguro rin ng Pangulo, ayon na rin aniya kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III, na may pera ang Gobyerno pambili ng bakuna upang masiguro ang dami nito sa bansa at makararating ito sa lahat ng LGUs maging sa mga far-flung areas.
"[Unahin] natin 'yung mga mainit na lugar tapos as the supplies come in, we are buying, we have the money, Secretary Dominguez assured us, we are buying," paniniguro ng Pangulo.
"At ako ang magpapa—parami nang parami 'yan, it will be distributed to all of the local government units, including the far-flung areas na hindi na maabot. We will see to it. I'm sure Secretary Galvez will see to it na dadating 'yung mga bakuna doon," dagdag pa niya.
Magugunitang nitong nakaraang Sabado, Hulyo 24, ginarantiya ni Dominguez na nakahanda na ang pondo ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccine sa susunod na taon.
"For next year we have in the budget ₱45 billion for additional vaccinations. To assure you and the health community, we do have money for that," ani Dominguez.
Mga sanggunian ng ulat: CNN Philippines, Abante, PCOO