Ni Charmaine Delos Santos

PHOTO: PCOO

Matapos maglabas ng report ang Commission on Audit (COA) kaugnay sa mga transaksyon na nagawa ng mga ahensya ng gobyerno, sinabi ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na hindi niya ito kokonsiderahin dahil bukod sa isa pa lang itong preliminary observation, wala pang matibay na ebidensya na mayroong mga opisyal na gumagawa ng ‘corrupt activities’.

Sa isang press briefing, aminado si Presidential Spokesperson Harry Roque na marami na ang nasibak ni Duterte sa kani-kanilang mga pwesto nang dahil sa korapsyon. Isa na rito ang pagsibak sa 43 na mga opisyal na sangkot sa tinatawag nilang “pastillas” scheme, ngunit kalaunan ay agad ring bumalik sa kanilang mga pwesto. 



“Kung meron namang ebidensya, sibak, sibak, sibak po ‘yan,” ani Roque. 

Ayon kay Roque, pangako raw ni Duterte na sisibakin niya sa pwesto ang mga opisyal na mapapatunayan na korap kung kaya’t hindi na kailangang mangamba ng publiko sa mga natuklasan ng COA sa kanilang report. 

“Hindi namin sinasabi na korapsyon ang naging sanhi ng katiwalian dahil nag-aalok din naman kami ng mga rekomendasyon kung paano maaaring maitama ng kagawaran ng kalusugan ang mga isyu,” saad ng COA.

Sa kabilang dako, naging usap-usapan ang report ng COA matapos nitong hanapin ang mga kakulangan na mahigit sa 67 bilyong piso na badyet para sa pandemic noong 2020 ng Department of Health (DOH). Nilinaw ng COA ang kanilang panig na itinataguyod lang nila ang transparency at nilalabanan ang katiwalian sa gobyerno.



“Hintayin ninyo ang mga agencies na magsumite ng kanilang mga pahayag bago kayo maglabas ng report,” sinabi ni Duterte sa COA.

Sa kabilang banda, pinayuhan ni Roque ang publiko na kumalma muna dahil hindi pa naman final ang report ng COA kaugnay sa mga transaksyon na nagawa ng mga ahensya ng gobyerno.


Mga sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer, Inquirer News

PAALALA